Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jose Remillan Nov 2013
Napatag na ang hindi mapatag ng
Sanlaksang idelohiya't pananampalataya.
Panata ito ng kalawakan. Lilinisi't lilipulin
Yaong hindi umaayon sa itinakdang

Orden ng katutubong balanse ng ulan
At hangin, ng dagat at pagkamulat,
Ng  lupa at pagtatangka. Hindi sasapat
Ang libu-libong bangkay na nakahundasay

Sa mga lansanga't simbahan dahil malaon
Nang naagnas na bangkay ang ating
Kamalayan. Malaon nang umahon si
Kamatayan sa anyo ng kasakiman sa

Kayamanan, at tayo bilang mga kalakal
Na nagpapatiwakal sa ngalan ng kaligayahan
Sa anyo ng kasaganaan. Hindi sasapat ang
Mga pagtangis ng mga ama't ina, ng mga

Anak at kapatid, dahil matagal nang
Tumatangis ang Inang unang naghandog ng
Paraiso sa atin. Saan nga ba tayo patungo?
"Tayo'y mga punong matayog ang pangarap,

Ngunit sa lupa'y laging nakaugat..."
Sa ala-ala ng mga nasawi sa paghagupit ni Yolanda sa Filipinas.

University of the Philippines-Diliman
Quezon City, Philippines
November 13, 2013
Jose Remillan Jan 2014
Sinubukan kong bihisan ng titik at tugma
Ang ilang mga bagay-bagay na iiwan ko
Sa'yo sa oras na pumailanlang na ang diwa
Ng aking mga tula. Ngunit gaya ng dati,

Unos na dumatal ang aking luha, linunod
Nito ang mga kataga, muling nabalot ng
Hiwaga ang bawat saknong  na dapat sana'y
Malaon nang yumabong sa iyong pang-unawa.

Gayun pa man, manatili kang manampalataya
Sa kahulugan ng kawalang kahulugan ng daigdig
Na ito. At nawa, sa pagpagpag mo sa tarangkahan ng
Kahapon, buong pagpupugay **** idambana

Ang paulit-ulit ng siklo at sigwa ng ating pag-ibig.
Para kay Khiwai.

University of the Philippines---Diliman
Quezon City, Philippines
January 28, 2014
Jose Remillan Sep 2013
Para sa atin ang gabing ito.
Gaya ng iyong pangako, tayo
Ay didito't papalaot upang
Salungatin ang daluyong ng

Ating mga damdamin. Saglit
Nating iwan ang parolang
Magdidikta kung saan dapat
Ang nararapat na hangganan

Ng pagsagwan natin sa maalon
At malaon nang karagatang ito. Saglit
Nating ibaba ang layag at laya ng
Ating pag-ibig; ikubli ang panganib

Na nakaamba sa bawat paghampas ng
Tubig, sa bawat pagkabig ng dibdib, at
Sa bawat pag-igpaw natin sa hatol ng
Panahon. Saan man tayo ipadpad ng

Lunday na lundayan natin sa gabing
Ito, walang pagaalinlangang sundan
Natin ang bituing magtuturo
Patungo  sa ating mga sarili...
Para kay Khiwai.

Quezon City, Philippines
September 26, 2013
Jun Lit Dec 2018
Nais kong humimlay
ang tibok ng puso
sa saliw ng taludturan
Subalit pipi ang mga daliri
sa pagdiin sa tipaan.
Mga hikbi’y nalulunod
sa naiwang bakas
naghihingalong daing
kalungkutang di-matawaran

Para na kitang anak, at maraming salamat
Itinuring mo akong tila pangalawang tatay mo rin
At sa wika ng sabong, sa lalawigan nating alamat
hindi ka na tatyaw, kundi mahusay na talisayin

Narating mo ang rurok
At iyong hinawakan ang mga alapaap
ng iyong malaon nang pangarap
Sa musmos **** puso
namulaklak ang maliwanag
Sa isip na pinagpala
nagbunga ng pang-unawa,
karunungan at syensya’y para sa madla,
ipamahaging parang kawanggawa.  

Hinahanap ka ng mga kabag
na kinatakutan ng iba
ngunit iyong kinilala’t niyakap:
“Nasaan na si Kuya namin?
Bakit di pa dumarating?
Tutubusin niya kaming pawa
sa panganib ng pagkasira.”

Naghihintay mga bundok at gubat
May luklukan pa sa yungib
kung saan namamahinga ang malayang pangkat.
Subalit tahimik, walang sumasagot . . .
Puyat ka sa magdamag
ng buhay **** makulay at tampok.
Hindi ka sumasagot -
Naabot mo na pala ang tugatog.

          Magkaganun man, malayo pa ang layunin
          Kami’y tutuloy pa sa ating lakbayin
          Paalam kasama, kaibigan namin.
          Mga aral na naiwan, laging aalalahanin.
Dedicated to the memory of James de Villa Alvarez, 21 April 1991-08 December 2018, who perished while on fieldwork as a wildlife biologist on Mount Apo in Mindanao, The Philippines. The poem summarizes my appreciation for him as well as my feelings of sadness and great loss, he being a protege who we expected to continue our science and advocacies.
Jun Lit Nov 2018
Sa sulok ng isipang dinadaluyong
ng mga sanlibong sala-salabat na tanong
may paanyaya kang pagdamay ang layon
mula unang lagok, mainit ang pagsalubong.

Maraming katanungang pumapatak sa diwa
Tila ulang tikatik, ulang walang sawa
Hindi lang ‘ano?’, ‘sino?’, o ‘saan?’ ang humiwa
Puso’y sinugatan ng ‘paano?’, ‘bakit’ at ‘kailan kaya?’

Sa bawat pagsikat ng araw sa Malarayat sa Silangan
Lulubog din ito tan’aw ang Maculot sa kinahapunan
Tagumpay at sigla noong kapanahunan
Mga bituing nawawala, pagsapit ng sangang-daan

Kaya’t hindi dapat malasing, malango
Sa naabot na rurok o kayamanang lumago
Pagka’t batas ng Kalikasan ang siyang nagtuturo
Na lahat ng ito sa malaon o madali’y maglalaho

Pag-ibig na busilak, mananatiling buo.
My eighth in my Brewed Coffee Poems series; poems much influenced by my memories of my old home and childhood in Lipa, Batangas.
Euphrosyne Feb 2020
Andito ako nagaantabay
Baka sakaling
Sa dulo ikaw ay
Dumating na.
Mahal kahit malaon pa iyan
Kakayanin
Makakaya
Kayang abangan ka
Basta't ika'y sasapit
Dahil aasahan ko
Lahat ng ito
Lahat ng sinabe mo
Alam kong hindi biro ang pag antabay
Pero kung para sayo
Gagawin ko lahat
Papatunayan ko sayo
Ipapakita ko sayo na kaya ko
Dahil alam kong napaka
swerte ko sa iyo
Ikaw ang nagsilbing ilaw sa madilim kong mundo kaya sinta hihintayin kita at mamahalin pa kita.
Hihintayin kita sinta ko.

— The End —