Elementarya ako nang pinangarap kong maging manunulat,
Kaya't nagsikap ako at natutong magsulat
Ikatlong taon ko sa hayskul nang isulat ko ang kuwento nating dalawa
Kuwentong pinangarap ko pang maipa-imprenta
Kaya't pinaghusayan ko ang paglikha at pagdetalye
'Straight to the point' at walang mga pasakalye
Maraming natuwa sa bawat tulang alay ko sayo,
Pero sa lahat ng yun? Kritisismo at pangungutya ang isinusukli mo
Ngunit hindi ko inintindi iyon at patuloy akong sumulat,
Baka sakali.. isang araw,malay ko? mata mo'y mamulat
Mamulat sa pag-ibig na ibinibigay ko,
Baka isang araw,makita mo rin yung halaga ng mga regalo ko,
Baka isang araw, masuklian mo rin yung pagmamahal kong buo
Baka kasi wala ka lamang barya,
At nahahanap ng panukli kaya ka abala,
Kaya naghintay ako ng ilang taon,nagpakatanga..
Pero mukhang di na yata ako masusuklian pa
Kaya naisip kong makuntento sa kung anong meron tayong dalawa
Pagkakaibigan.
Pero di ko maiwasang masaktan
Sa tuwing magkukuwento ka o nagtatanong tungkol sa kanya,
Hinahayaan ko na lang at least nakakausap kita!
Kahit na yung paksa natin madalas,tungkol lang sa musika
Ayos lang! Basta nakakausap kita.
Kahit nagmumukha na akong tanga
Okay pa rin! Basta nakakausap kita.
Ngunit nakakapagod din maging tanga
Kaya mahal, ako'y magpapaalam na.
Sa paglapat nitong panulat sa aking kwaderno
Ay isusulat ko na ang huling bahagi ng ating kuwento,
Tutuldukan ko na ang mga huling pangungusap
At puputulin na ang mga ilusyon ko't pangarap
Dahil kung hindi'y lalo lang akong mahihirapan
Lalo lang akong masasaktan.
Makapal na ang libro,paubos na ang mga pahina
Nakakaumay ang kuwento na pinuno ng mga luha
Panahon na sinta ko upang mag umpisa akong muli,
Hindi ko na hihintayin ang hinihingi kong sukli
Pagkat panahon na rin upang sumaya akong muli.
Salamat sa lahat ng alaala
At pasensya na sa mga abala
Mahal ito na ang huli kong regalo
- Hindi ko na ibabalot pa
Pagkat alam kong wala ka rin namang pagpapahalaga
At sa huling pagkakataon,gusto kong malaman mo,
Na may isang AKO na minsang nagmahal sayo.
Ito na ang huling pahina ng ating libro
At sa pagsara ko dito,kasabay ang paglisan ko sa mundong ginagalawan mo.