tuluyan ka nang naupos tulad sa kandila.
unti-unting natunaw ang buhay mo.
dahan-dahan itong kinain nang imbing kamatayan.
isang pahingalay sa tulad mo'ng nagtiis
ng malubhang karamdaman.
buto't balat ka na lang at laging dumadaing,
buhay na patay kung ika'y pinagmamasdan.
sa wakas hindi kana maghihirap.
wala na ang kirot na saksakan ng lupit.
wala na ang sugat na bumubulok sa'yong likuran.
hindi kana mapapagod sa paghabol ng iyong hininga.
hindi kana pagpipistahan ng mga lamgam.
wala na ang diaper na kailangan palitan.
alam namin na pagod kana,
kailangan mo nang magpahinga.
paalam na sa mga tusok ng karayom
na hindi makita ang tamang ugat saiyong katawan.
paalam sa mabaho at mainit na ospital.
hindi na lilipas ang maghapon na puno ng bagut.
wala na ang mapapait na daing 'twing madaling-araw.
dumating na ang mga sundo,
kukunin ka nila at di na muling ibabalik.
tinatawag ka na ng hangin papalayo sa amin,
inagaw ka ng liwanag sa kalaliman ng gabi.
sa huling hantungan mo ay tatanawin kita.
aalalahanin ko ang kabataan ko na kasama kita.
babalikan ko ang lumipas na may lungkot at saya.
may mga umaga na hindi na darating,
pero may mga kahapon na 'pwede pang balikan.
walumpot-limang taon sa mundong ibabaw,
at marami-rami ka na ring narating.
siguro nga wala ka nang hahanapin pa,
sapat na marahil ang layo ng iyong nalakbay.
kaming mga naiwan mo hindi maglalaon
ay tutugpa din na gaya mo.
ang hindi lang namin alam ay kung kailan, paano at saan.
paalam po at salamat sa mga ala-ala.
alas-dose medya kagabi Disyembre 3, 2017 namatay ang tiya ko panganay na kapatid ng nanay ko.