Nagpakapagod ka dahil gusto **** kumita.
Nagpaka-alipin ka upang makaahon ka.
Nagtiis ka sa ibang bansa para sa iyong pamilya.
Nilisan ang bayan dahil trabaho'y pinagkaitan ka.
Ano ngayon kung wala kang pinag-aralan?
Masusukat ba ang tagumpay sa antas ng edukasyon?
Kailangan bang magkatulad ang bawat propesyon,
O tanggapin ang isang marami na ang kontribusyon?
Dumarami na ang populasyon ng ating bansa.
Kakaunti naman ang ating kuwalipikadong manggagawa.
Marami ang tambay sa bahay at walang ginagawa.
Nakapagtapos nga, hindi naman matanggap sa ibang kompanya.
Kaya, ang iba'y nanatili sa bukirin at doo'y nagsasaka.
Hindi matanggap na walang trabahong karapat-dapat sa kanila.
Kahit dalawang taong kursong bokasyonal ang natapos nila,
Naghihintay pa rin sa wala hanggang sa pag-asa'y maglaho na.
Anong uri ba ng trabaho ang katanggap-tanggap sa lipunan?
Ang nakakaangat lang ba ang p'wedeng bigyan ng posisyon?
Paano naman ang walang pinag-aralan, pero pasado sa kuwalipikasyon?
Papansinin ba sila ng gobyerno at bibigyan ng solusyon?
Sa bagong gobyerno, pagbibigay ng trabaho'y bigyan sana ng pansin,
Sa mga manggagawang hanggang ngayo'y walang trabaho pa rin,
Maging ang mga nakapagtapos at magtatapos pa mandin,
Huwag nating hintaying lahat sila ay lumayas sa lupang sinilangan natin.