Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
dalampasigan08 Jun 2015
Unang Kurap

Nagising ako sa isang tahanang walang dingding, haligi o kasangkapan.
Tanaw ko ang mga ulap sa kalangitan at dinig ko ang mga ingay ng mga nagdaraan.
Ninais kong tumayo kaya’t iniangat ang aking ulo
ingat na ‘wag masagi ang mga nagdurugong sugat.
Nanginginig ang buo kong katawan at nanlalambot ang mga kalamnan.
Hindi ko halos maaninag ang kulay ng aking paligid sa itim na usok na nagkukubli nito.
Iginala ko ang aking mga kamay sa pag-asang baka may iilan pang piraso ng tinapay na natira mula kahapon.
Ginalugad ng mga daliri ko ang bawat sulok ng kawalan at bawat supot ng pangarap
ngunit ako’y bigo.
Isang sisidlang kalawangin ang aking nadampot
isang sisidlan ng pira-pirasong awa ng mga taong kahit na papaano’y nakauunawa sa kalagayan kong aba.
Inuga ko ng ilang ulit ang lata ngunit walang ingay ng barya
walang musikang magpapaligaya.
Magsisimula akong humikbi ng paunti-unti na para bang malalakas na kulog sa nagbabadyang pagbagsak ng ulan.
Pipigilan kong maigi ang mga luha hanggang sa mayroong magkamaling sumagi sa aking mga sugat,
saka ko lamang sisimulan ang isang marahang pagluha na magtatago sa tunay na sanhi ng pag-agos nito
kasabay ng pag-inog sa aking isipan ng mga katagang
"sana, hindi na lang ako nagising."
George Andres Jul 2016
Nagtatanong ako kung bakit di ko mailarawan
Lahat ng naglalaro sa'king isipan
Na kailangan pa umaano bigyan ng isang kwadro
Sa inyong mga tamad na isipan
At trabaho ko pang sa inyo'y isubo ang matigas na katotohanan
Na para saaki'y isang malaking katangahan
At ginagamit lamang ng maraming nais magpasikat upang tumaba ang kapalaluan sa kani-kanilang tiyan
At kumain ng papuri na siyang lalamunin pang kape lang at pambili ng tinta ng bolpen o ng papel man 'yan
At ano pa ang sining kung wala ka nang mapiga sa utak **** kinain ng uod ang laman
Lumuluha ka ng dugo para sila'y mamangha; mga burgis na magpopondo sa iyong katha
Na ano? Kasabay mo lang rin pumasok sa pamantasan bilang dukha
Pero ibang iba na mga mukhang inalisan na ng pasakit ng pag-iisip
Kung ano na ang para kinabukasan o kung meron pa nga namang daratnang liwanag
O kung bukas ay ang kadiliman naman
Saan ka pupulutin lintik kang di naging gahaman na piniling 'wag magpakayaman sa mumunti **** naisin na pagnanasa ng 'yong katawan?
Pinili **** sundin ang tawag ng 'yong laman, ang tawag ng uhaw na kalooban
Ano nga ba ang silbi ng pagpapakain sa kanila ng iyong isipan kung maari namang ito'y bigyan mo ng isang kasangkapan o kaya ito'y laktawan
Ng kahit anong katanungan at pagpagin ang natutulog nilang kulot na taba mula sa pang-aalipin ng katamaran?
7816
kingjay Apr 2020
Sa ulan naligo nang nagagalak
Bawat patak sa pisngi ay parang biyayang inihahatid
At sa sandaling paghinto ay ang pagbabalik
Paggugunita sa mga araw ng paggiliw

Noong kami pa ay parang langit
Ulap sa paa ko' t bituin sa panaginip
Walang gabi na tahimik
Sapagkat parating may malamyos na awit

Ang pakiramdam ko sa panganorin
Walang hanggan-kataasaan ay di malirip
Ngunit unti-unting nawawari
Kalangitan ay isa lamang bahagi

Kung ituturing ay isangpanig-ibig
Pagkat ang pag-irog ay ganap na pagmamartir
Tinakasan na nakalupasay sa pananabik
Ang sinta ko sa iba kumapit

Naaalala pa nang nakadantay ang kanyang binti
Sa hita ko' t sabay ng masuyong paghalik
Yakap niya sa akin ay napakahigpit
Ngayon bakit kay dali lang sa kanya ako' y ipagpalit

Binigyan man ng malapad na bagwis
Ang bawat wasiwas naman ay dulot pighati' t
Nagpapahiwatig ng pamamaalam na nalalapit
Isang beses lang lumipad, sampung ulit ang hilahil

Tinuring na reyna sa kahariang panaginip
Kahit na inaalila niya' t inaalipin
Para sa akin isa siyang prinsesa na handang isagip
Sa mababangis na lobo' t mga tigreng sakim

Kung maparool man ay hindi itatanggi
Na minamahal siya' t itinatangi
Mapalayo man sa pamilya' t kaibigan siya pa rin ang pipiliin
Namumukod tangi siya, walang kahulilip

Huli na nang malaman ang ibig
Ako' y pala kasangkapan lang sa kanyang ninanais
At upang sa isang tao' y mapalapit
Ginawa niya akong tulay - pantawid

Ano mangyayari sa pakikipagsapalaran sa pag-ibig
Tiyak na maluluray, at dadaing
Dahil sa antak na di naiibsan at naaalis
Duro sa puso' t wasak na damdamin

Nararamdaman ang masidhing lunggati
Na sinilsilyaban sa tuwing ako' y nilalambing
Nasang na sana ay laging magkapiling
Dumadarang na nakatiwangwang di mailihim

Larawan niya' y kinikimkim
Tampalasang kataksilan nailimbag sa isip
Sa mapanlinlang na anyo ng bahaghari
Hubog nito' y lumbay hindi aliw

Hanap-hanap pa rin ang silay ng giliw
Masasadlak man sa landas muli ng pag-ibig
Kung may pagkakataon ay aking hihilingin
Saktan niya sana ako, isa pa at siya' y mamahalin

— The End —