Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
RL Canoy May 2020
Tuwing balikan ko ang nangakaraang
araw na nagugol noong kabataan.
Wari'y nagbabalik ang diwang malumbay,
na minsang dinanas niring abang buhay.

Ang bawat nagdaang aking mga araw,
doon sa luntiang ating paaralan
gunita ay pawang dusa't kapanglawan,
ang bumabalot niring balintataw.

Subalit ang dusang nakapanghihina,
pilit napapawi ng mumunting saya.
Ang isang bituing kahali-halina'y
naging hugot-lakas niring pusong aba.

Hindi ko mawari noon yaring dibdib,
tuwing binabaybay ang daang matinik.
Anong ubod sayang naglaro sa isip,
ang sinintang Musa ng aking pagibig.

Simula nang ikaw ay aking mamasdan
O! hangad kong tala sa sangkalangitan,
hindi ko malirip at di na maparam
tila nanggayumang lagi sa isipan.

At magbuhat noo'y aking hinahangad;
ang sangkalangita'y aking malilipad,
upang mahahaplos ang talang pangarap
at isang dahilan niring pagsisikap.

Subalit ang hangad wari'y panaginip
at tila'y malabo itong makakamit.
Pagkat ako'y lupa't ikaw'y nasa langit,
at kutad ang pakpak at walang pangsungkit.

Ang tanging nagawa, sa layo'y pagmasdan.
Puso'y inaaliw sa taglay **** kinang,
at kung anong siglang sa akin nanahan,
ang sanlibong dipa'y lakaring di pagal.

Iyon ang gunita't aking kabataan,
doon sa mahal kong ating paaralan.
Kung pagsaulan ko'y pawang kapusukan,
subalit tiyak kong sa puso ay bukal.

Sumapit ang yugtong di ko na namasdan
ang tanging bituing aking minamahal.
Pagkat ay nalayo ako sa tahanan,
upang susuungin ang bago kong daan.

Ang pakiwari ko'y sa taong nagbago,
paghanga'y aayon at ito'y maglaho.
Tulad ng magapok ang buhay na bato,
kung saan inukit ang puso't ngalan mo.

Taon ay nagdaa't panaho'y lumipas,
ngunit ang paghanga'y hindi kumukupas.
Hindi ko maarok na lalong nagningas,
nang muling magtagpo ang ating nilandas.

Kaya ninais kong maipapahayag,
ang mga damdaming sa puso'y nailimbag.
Limang ikot-araw ang mga nagwakas,
magpahanggang ngayo'y laging umaalab.

Ikaw ang bituing aking hinahangad,
isa sa nagtanglaw niring aking landas.
Ang Musa sa puso't tanging nililiyag,
ang umakay niring diwa na sumulat.

At ngayon ay aking naipapabatid,
dito sa talatang nagsalasalabid.
Mula sa paghanga't tungo sa pagibig,
ang hindi maihayag niring dilang umid.

Papalarin kaya itong abang lingkod,
at mula sa langit ikaw'y pumanaog?
Diringgin mo kaya yaring tinitibok
ng pusong noon pa'y sa'yo umiirog?

At kung yaring akda'y sa'yo walang lasap,
ipaguumanhin ang pusong sumulat.
Ninanais ko lang na maipahayag,
ang aking pagtangi sa'yo at paglingap.

At kung kasadlakan nito'y pagkabigo,
sa aking paglapit, ikaw ay lalayo.
Tanging hinihiling, sa iyong pagtakbo,
nawa'y di burahin ang mga yapak mo.

©Raffy Love Canoy |March 2020|
kingjay Dec 2018
Ipipinta sa sahig ang mga  rosas at hihigaan upang malaman ang pakiramdam na maihagis sa kaniyang dibdib
Sa matamis na ngiti na nang-aakit
Lahat kayang ibigay kahit na higit pa kaysa pag-ibig
Para maipabatid ang katindihan

Ang pagsasanib ng di katanggap-tanggap na uri ay wala na makapag-aalis
Dininig ang pakiusap
Katawan ay instrumento
Tinubuan ng sungay gaya ng kambing

Kinain ang liwanag ng araw upang makipaghasik ng lagim
Ito'y sariling imahinasyon
Gaya ng nalalapit na paggunaw ng mundo sa tuwing may eklipse

Haharanahan nang dumungaw at mahinhin na hilain ang kurtina
Kung maririnig ang boses niyang malambing
Makukumpleto ba ang araw at habang-buhay alalahanin?
Nanakawin ang sandali sa palatakdaan ng oras?

Sumpain na lang, sapagkat pinairal ang kapusukan
Paulit-ulit na dinarasal hanggang sumigaw
Kung hindi ibibigay ay tatalikod
Makipagsanduguan sa pulang hari

Binigo ng sentro ng daigdig
kaya ayaw na maglala ng susunod na panahon
Sa hungkag na kalawakan
Nabubulok ang katuturan
Ang malumanay na  pananalita ay nagmamaliw
kingjay Feb 2019
Itinadhanang magkasintahan
sa bituin walang puwang
Ang kapasyahan ng isa't isa ang
tanging magdudugtong upang
mabuo ang konstelasyon

Kasabay ng pagdiriwang ng
Bagong Taon ng dayuhan
Di magkatulad na kalendaryo
Pebrero ba ang unang buwan?

Unang pagtingin
Pangako na ginagatungan ng tiwala
Panghahawakan kung ano ang pinaniniwalaan
maging ito'y kapalaluan man

Ang simula ng panunuyo,
paghintay ng kasagutan
ay kapara ng bulaklak
na sa unang tubo mahalimuyak

Kung madaliin
dahil sa nagaganyakan
mabilis maupos
ang umaalab na kapusukan

Sapagkat iba ang nabigyan
pagkatapos hiningi
sa mga tinanggap na
pawang biyaya

Ganun din sa mga matiyaga
gaya ng mga langgam
Nagpapakahirap sa init ng araw
at nagdanas ng kabagutan ng panahon
bago nakamit ang kaginhawaan

— The End —