Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
KRRW Aug 2017
Si Jamaeda:
Isa siyang matrona
na ang pangarap
ay ang wagas
na kagandahan.
Palagi siyang
nilalait ng kanyang
mga kaeskwela.
Maging mga kapatid niya
ay nilalayuan siya.
Samantala,
ang mga magulang niya
ay ikinahihiya
ang kanyang
kakatwang presensiya.

Isang araw,
kanyang natuklasan
isang natatanging pormula
upang makamtan
pinakamimithing kagandahan.

Mula sa laboratoryo
lumabas ang isang
mestisang diyosa
na siyang nagdulot
nang tiyak na pagkahulog
ng bawat panga
na nilalampasan niya.

Puri dito, puri doon.
Ang tainga niya
ay pumapalakpak.
Kaway rito, kaway doon,
hindi siya matigil
sa kahahalakhak.

“Sa wakas,”
ika niya,
kagandaha'y napasakanya.
Subalit,
ngunit,
datapwat,
langit biglang
kumulog,
kumidlat.

Habang ang diyosa'y pauwing
mahinhing naglalakad,
nakasalubong niya
ang isang matrona
na siyang nagpaalala
ng mapait na nakaraan niya.
Itsura ng matrona
sadyang kasuka-suka
mas masahol pa
sa dating muka ng diyosa,
wika ng marami
pinagsukluban ng langit at lupa
maging impyerno ay nakialam pa.

Hiling nito sa diyosa
ibahagi ang sikreto niya
sa pagbabago ng uling
at naging isang ginto,
ngunit ang kagandahan
ng diyosa'y panlabas lang
sapagkat kanyang budhi
lubos-lubos ang kaitiman.
Itinaas ang kilay
at saka pumanhik,
hindi niya namalayan
ang nagbabadyang panganib.

Plok! Plak!
Inay ko po'y kaysakit!
Ang diyosang marikit,
napasubsob sa putik.

Ngunit sa halip
na malambot ang lupang hahagip
'yon pala'y sa ilalim
may nakatagong talim.
Matigas niyang mukha
ginuhitan ng pait
ang maladiyosang matrona
nasiraan ng bait.

Lahat ng tao'y
naengganyong lumapit,
sa lakas ng kanyang sigaw
dahil sa sobrang sakit.
Imbis na tulunga'y
pinagtawanan, nilait.
“Hahaha! Buti nga sa 'yo,
mayabang ka kasi,”
ang kanilang sambit.
Luha niya'y nangingilid,
ngunit walang pasubali,
ang kutya nila'y sumasabay
sa ulang masidhi.

Sa hindi niya inaasahan,
dinamayan siya ng isa.
Isang pamilyar na mukhang
hindi rin naman
naiiba sa kanya.

Magbuhat noon,
natutunan niya
ang isang malaking
leksiyon:
“Mas masarap ang maging duryan,
kaysa maging isang mamon.”
Written
31 August 2013


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
bless Mar 2019
Matapos ang bawat kanta ng aming pwedeng kantahin
Dasal na alay para sa mga taong may ilaw na bilog sakanilang ulo

Hihinga ako ng malalim
Ngunit di maaalis ng aking paghinga ang kaba at takot sa aking dibdib

Tubig at bolpen lang laman ng aking bag
Sa pagdarasal
Alam kong hindi sapat ito para ako’y manatili sa aking kinalalagyan

At tulad ng aking dalangin
Naghihintay ang aking ina sa ibaba
Sa kanyang puso at mata
Dama ko ang kanyang pagmamakaawa


                                  “Bigyan niyo po kami ng awa”


                                              “Maawa po kayo”


Rosaryo, rosaryo, rosaryo, rosaryo, rosaryo
Rosaryo sa Huwebes
Rosaryo na aming kailangan sabihin sa wikang ingles


Siguro sa aking pagdarasal ng rosaryo ng malakas
Ay maawa sila saamin
Masakit man ang tuhod sa pagluhod
Hindi pa rin nito maalis ang takot at kaba sa aking puso


                     “Alam ko pong hindi sapat ang aming dala”


Ang Ikalimang Misteryo ng aking pagmamakaawa


                            “Pero sigurado po na ako’y may alam”


Naghihintay ang aking ina sa ibaba
Nananalangin na sana’y hindi niya ako isama sa kanyang pag-uwi

Matapos man ang mga Misteryo ng Rosaryo
Alam kong hindi pa tapos ang aking kalbaryo
Dahil ilang minuto na lang alam kong tatawagin na aking pangalan


                                               “Maawa po kayo”

                                                         ­    .
                                                             .
                                                             .
                                                             .
                                                             .
                                                             .


Hindi maaalis ng lamig ang pagpawis ng aking mga kamay ng buksan ko ang pinto
At sa ibaba, nakita ko agad ang aking ina

Itinaas ko ang aking kamay
Sabay ng kanyang pagngiti

Ako’y mananatili
Hindi na niya kailangang mag-alala
Magsisimula na ang aming pagsusulit
At kailangan kong pumasok na




© 2019 B.L.
All Rights Reserved.
AK na Makulay Nov 2019
Sa mata nila, ako'y walang saysay
Sa mata nila, ako'y walang boses
Sa mata nila, ako'y walang karapatan
Sa mata nila, ako'y isang pagmamay-ari

Hanggang kailan ko tatamuhin ang ganitong katayuan
Ang pakiramdam na para bang wala akong kahalagahan
Dahil sa ako'y mahina, maamo't inosente
ay wari bang inaangkin n'yo na ang katauhan ko?

At sa hindi inaasahang pagkakataon
itinaas Mo ang mga gaya namin
at sinabing sa amin naghahari ang Diyos,
lumundag ang puso ko sa tuwa

Pinatayo mo kami sa kagitnaan ng mga mas may dunong at kapangyarihan
Ang pagkilala mo at pag-ibig mo sa bawat isa
Lalong lalo na sa mababang gaya namin
ay tunay naming 'di maarok

Sa pamamagitan namin, binasag mo ang tradisyong nagpapaalipin
at inimulat kami sa tunay na kahulugan ng kapakumbabaan
at nang tunay na kahulugan ng kaharian ng Diyos
sa iyong halimbawa at aral, maraming nagulantang..

Hinayaan mo kaming lumapit sa Iyo
At ikinintal ang iyong iniwika
Na ang sinumang 'di tumulad sa isang maliit na bata
sa pagtanggap sa paghahari ng Diyos
ay hindi mapapabilang sa mga taong pinaghaharian niya.
Mateo 19:13-30
Manunula T Jul 2018
Isa, dalawa, tatlo,
Lahat ng jeep ay puno.
Wala ni isang nag tangkang sa 'kin ay huminto,
Itinaas ang aking kamay at inunat ang hintuturo.
Sumenyas na manong pasabit nalang po,
At sa pag arangkada ng jeep mo ngayon,
Bakit maraming mata sakin ang nakatuon?
Inuusisa ang bawat parte ng aking katauhan,
Na para bang andami-rami nilang katanungan.
Bakit sumabit kapa?
P'wede namang mag abang ka nalang sa iba,
Magmumukha ka lang diyang tanga,
Kaya boy mabuti pang bumitaw kana.
Kahit maraming tutol sa aking pagpapasiya.
Kahit ang kamay ko ay medyo dumudulas na.
Kahit pa ang bisig ko ay nangangalay na,
Hinigpitan ko pa ang kapit dahil ayoko ng mahulog pa sa iba.
Kumapit ako sa bawat salitang sinabi mo,
At inabot ko ang bayad simbolo ng pag-ibig ko.
Tama naman ang sukli, barya at bawat sentimo,
Pero bakit tila walang pasahero ang nais mag-abot nito?
Marahil hindi pa sila handa,
Na hayaan kang suklian ang salitang "mahal kita",
Pero 'wag kang mag-alala,
Dahil maghihintay ako sa panahon na kung saan lahat ay tama na.
Kung sakali mang may bumabang pasahero sa may unahan,
At magkaroon ako ng puwang sa iyong sasakyan,
Handa akong iwanan ang pagkakasabit ko sa likuran,
Para samahan kang bumiyahe dito sa mundong walang kasiguraduhan.

— The End —