Sa mga mata ng makata,
iisang paraluman lamang ang itinatala
Na sa bawat linya, ika niya,
may kariktang natatangi’t mahiwaga
At sa bawat saknong tila nagsusumbong
ang dalisay na hango’t may pasalubong.
Marahil sa mga mata ng isang makata,
duyog ng mga sariling nagkaugnay ang naaaninag
Sa mga tala at sa kaniyang iniirog,
mga katagang hindi pambibilog,
ay payapa sa pag-asang walang pahimakas
at kailanma’y sasamuing wala nang bukas.
Hanggang sa huling hinga ng makata,
iisang paraluman pa rin ang itatala
Ang tanging pamamaraan ng wakas
Ay linyang mag-iiwan ng mga rosas,
tinik sa mahigpit na pagbigkis
ng dalawang labing naghihinagpis.