Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
RL Canoy Nov 2020
Sariwa pa sa aking gunita,
ang unang araw na ikaw ay aking masilayan.

Mga sandaling kung saan ikaw ay pinangarap na habang buhay kong paghahandugan.

Naaaninag ko pa rin ang iyong pagngiting kaakit-akit,
na lalong nagpapasingkit sa iyong mga mata.

Kung saan sa kabilang banda'y munting lungkot ang nanahan niring puso.

Pagkat di tiyak kong sa susunod na bukang-liwayway ay magiging dahilan ba ako sa iyong saya.

Ramdam ko pa rin ang kabog ng aking dibdib,
na tila ay sumasaliw sa yapak mo sa tuwing ikaw ay dadaan.

Habang ikaw ay maamong naglalakad,
Pinapangarap ko nama'y balang araw magkahawak ang ating mga kamay sa bawat paghakbang.

O kay sayang balikan ang mga gunita,
Kung saan nakikita ko ang iyong nakakabighaning wangis sa mga bituin ng sangkalangitan.

Mga panahong hinihiling kong nawa'y makapiling ka kahit sa panaginip lamang.

Minsan rin na sinasamo ko sa Poong Maykapal,
na harinawa'y pagtatagpuin ang ating mga landas.

At doon ay aking ipapabatid ang mga damdaming sa panulat ko lamang naipahayag.

© RL Canoy |November, 2020 |
Lecius Dec 2020
Sasapit na naman ang dapit-hapon
Marahang lumulubog ang araw sa kaunluran
Kasabay ng pag-lubog ng puso mo sa kalungkutan
Mababasa muli mga unan ng dahil sa matang luhaan

Sa tuwing nilalamon ng gabi ang paligid
Maririnig pag-hagulhol mo sa silid
Tatangis kana naman na para bang isang bata
Walang pasubali kung sino man sa'yo makahalata

Muli mo naman sarili pinag-tatakhan
Kay raming namumuong tanong sa isipan
Kakayanin ko ba ang buhay pag-sapit ng umaga
Mayroon kaya ako na ibubuga

Tila nababalot ka na naman ng pangamba
Tinatanong sarili kaya ko paba
Subalit 'di ka dapat mag-alala
Dahil ngayong gabi mayroon kang makakasalamuha

Hindi kana muling mag-iisa
Mayroon sa'yong sasamang kusa
Ipapabatid 'di kailangang mag-sarili sa isang tabi
Dahil mayroon kana ngayong kahati sa gabi

— The End —