Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
O, ang daang aking tinahak ay unti-unting kumikitid,
Ang daluyan ng hangin sa paghinga ay sumisikip.
Ang paningin ay nahati sa dalawang lagusan,
Isang madilim na madali, isang mahirap na naliliwanagan.
Ano ang pipiliin? Ano ang susundin?
Ang bulong ng isip? O ang tibok ng damdamin?
  
Ang landas na inakalang magdadala sa tagumpay,
Lulan ng isang bangkang inaalon sa karimlan.
Tinahak ang karagatan ng apoy na nagliliyab,
Nagsaya, nagpakasasa, nagsilbing ulap sa kawalan.
Ang daang binalewala ay bumubulong ng salita,
"Bumalik ka, pumarito ka, tutulungan kita".
Pilit na sumisiksik sa masikip na lagayan,
Ang katotohanang wala kang paroroonan.
  
Ikaw na ninais ang siyang iginapos,
Ng aking katauhan sa pusong naghihikahos.
Sa pagdama ng kasiyahang ikaw lamang ang magbibigay,
Aking tinalikuran pag-asang hinihintay.
Ang lahat ay tinalikuran, itinapon sa kawalan,
Upang makapiling ka sa matatamasang kaligayahan.
Subalit matapos ang gabi ng panaginip,
Ako ay nagising ang kasuota'y lagunit.
Ang lalamunan ay wasak, ang mata ay mapula,
Sa aking paglabas, kinatatakutan nila.  
  
Sa aking paglalakad sa mundong umiikot,
Mga mata'y nagsasabi na ako ay nakalimot.
Nang mapadpad ako sa kuwadradong silid,
Ay nanlaki, nagulat, sa sarili nakatitig.
"Sino ka?" "Sino siya?"Aking pagsusumigaw,
Nilisan ng katinuan, ang kaluluwa'y inagaw.
Nagpatiluhod at doon ay nagnilay,
Ako'y patay na, sinayang ang aking buhay.
  
Isang katauhan ang nababalot sa liwanag,
Nagsasabing " Bumalik ka, pumarito ka, tutulungan kita".
Ang nakaabang ang kamay ako ay hinihintay,
Bago pa man mahawakan ay isang dilim ang bumalot,
Sa likod ng aking isipan, sa harap ko ay may inabot.
Supot na naglalaman ng buhanging Kristal,
Kristal na nagpapasaya at wawasak ng ligaya.
  
Kukunin ba kita at titikmang muli?
Itatapon ba kita at sa liwanag kakapit?
Ano ang gagawin ng isipang sabog,
Sa sayang dulot sa pagkain ng durog?
sa may dagliang liko
abot ng aking ligaw na sulyap ang
sabungan. matatas ang kanyang
ngalan.

"Cockfighter's Rendezvous" kaunting
lakad lamang pabalikwas sa
MERALCO kung saan isang mahabang
karagatan ng tao ang pilit
na inaalon ng bayarin, kaltas
sa sahod, bulag sa paroroonan.

ayon sa mga akda ay mayroong
Kristo sa sabungan. siya ang
nangangasiwa sa aliwan ng mga
drayber. ang matalas na tari
ng kanilang hagikgikan
ay lumulubog sa haba ng
pantimpalak

naroon daw si Kristo
habang
ang dagundong ng batingaw
ay tulog sa tore.
pitikan ng pitikan ng yosi
kung saan na lamang maisipan
ng pagod na kamay na may samyo
ng dala nitong lansa,
at matapos ay papasok ng muli
sa simbahan kung saan
kasabay ng pag-danak ng dugo
ang pag-kubra ng nag-wagi.

hawak ni Kristo ang patay
na manok,
nasusulat sa tari ang
linya ng dugo.
alam ko naroon si Kristo.

hawak ni Kristo
ang mga baryang kumakalansing.
ilang pirasong pag-asa
para sa pawisang drayber,
para sa parokyanong lasinggero,
para sa baguhan sa aliwan,
para sa llamado.

hawak ni Kristo ang lahat,
at siya ang panuto
sa pagsusulit ng ganid.

pauwi na ako. wala na ang
alingawngaw ng sigawan.
Lunes nanaman at ramdam
ng lahat ang bigat
ng parating na mga araw.

— The End —