Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
para sa Kidapawan*

Diktador ang makinarya.
Maringal ang langit. Walang ulan para
sa pasasalamat. Ang ating tanging pagkakakilanlan
ay pumapaimbulog sa bawat sugat na nagsara.
Muli nila itong bubulatlatin.
Hindi paham ang gatilyo.

Mabilis na matutuyo ang pangako
kung pawawalan ito sa katanghaliang tapat.
Tanaw ng nakabiting ulo ng araw
ang lahat ng nangamatay. Kasabay ng hangin
ang pagpapaluka. Hudyat ng ulan galing
sa ibaba – gigibain ang makapal na barikada
  ng katawan atsaka muling uuwi sa asawa’t anak
na may bahid ng pula ang kamay. Dulo ng kuko’y
kapiraso ng mundo. Itim. Hugis buwan. Ang pagputok
    ay isang rekoridang laging gumagapang patungo sa tugatog
     ng isang alala.

Dadalhin nila sa bingit ng pagpaparam
ang babasaging boses – ang mga bubog ay
isasaboy na lamang sa lansangan.
Lumalaon ay dumidiin ang bulahaw. Inutil
lamang ang pagtatalik ng kamay at bakal.
   Umusal na lamang ng dasal sa likod
ng kakahuyan at baka dinggin ng bathala
ang panayam. Walang iisang dilang tumatabas
  sa dahas.

kung saan sisimulang hanapin
ng mga mata ang isang lugar kung saan ang lahat
ay iwinawasto ng nakaraan ay lingid
lamang sa kaalaman.

bago mangapal ang dilim ay nilusong ng mga kalalakihan
ang nalalapit na katedral. Naghahabol ang papauwing liwanag
na masaksihan ang kabalintunaan.

wala silang nakita,
katawan lamang sa lansangan,
tinutubos ng kasaysayan.
meliza Jun 2018
tila mapurol na ang gamit na patalim
na sa bawat pagbakas ay lalong dumidiin
baka sa susunod, sasapat na ang lalim
para makalimutan ang bagay na madilim

may dala-dalang bagahe na balak lunurin
sa iilang bote ng matapang na inumin
umaasang tulad nito sana ay ako rin
(maging matapang, o malunod din?)

magpaplano sa isip ng sariling libing
idadaan na lang sa yosi at paglalasing
hanggang atay at baga ko'y maging itim
para terno sa damit ng mga dadating

isa pang sigarilyo ang ilalagay sa bibig
pilit lalanghapin ang nikotina sa dibdib
hanggang di na matukoy ang dahilan ng sakit
hanggang makalimutan ang lahat ng pait.
i havent written for a while. it seems like i've completely lost the ability to write.
Marinela Abarca Feb 2018
Mahal, hindi mabait ang mundo.
Alam kong napapagod ka na.
Lilipas din ito.
Hingang malalim, importante ka.

Kung pupwede lang,
sana bumalik nalang ulit.
Ikaw, na sinisintang
pupurihin, paulit ulit.

Hayaan mo akong yakapin
ang mga mali at pagalingin
ang mga sugat na dumidiin.
Sabihin mo lang, ika'y susundin.

Ilang beses mo akong niligtas
dito sa buhay na puno ng dahas.
Ito ako sa harap mo, hindi na makaka-alpas,
ito na ang aking huling alas.

Ihain mo sa akin ang nadarama
Aangkinin ko nang buo
Kung sinoman siyang may sala
Lalabanan natin pareho.

Sasaluhin ang mga luhang binitawan
Kahit sa akin man ang kasalanan
Basta't hindi na kita iiwanan
Sa dulo, ikaw ay aking dadatnan.

Mga salita na inaalay para sayo,
ipahiwatig lamang kung ito na ay dapat ihinto.
Para manahimik na ang"mga "bakit?" at "pero"
Hindi na magugulat sa mga sumasaradong pinto.

— The End —