Ilang taon na ang nakalipas
ng huli kong masilayan
ang haplos ng pag-asa.
Ang paghangad na makapiling ka,
na siyang nabaon lamang
sa alikabok ng kahapon.
Halintulad sa isang bangungot,
ang sakit at pait na kanyang dinulot.
Kahit anung pagsusumidhing magising
ang gawin, hindi matanggal-tanggal
ang sakit at bakas ng pag-asang
paulit-ulit na binigo.
Sa mataimtim na panalangin,
sinubukan kong idaan.
Huwag lamang bumitiw
sa pangakong dala ng pag-asa.
Sa bandang huli, subalit
akin ring napagtanto,
mga naturing na panalangin,
para bang mga salita,
na isinambit lamang sa alapaap,
hindi dinidinig ng nasa Itaas.
Kaya't ako'y sumusuko na.
Tama na. Sukdulan na
ang pighati ng aking puso
na umaapaw sa kirot,
na nagdurugo dahil
sa ipinagkait na pag-asa.
Parang isang pilas na papel,
na sinulatan at minarkahan
para lamang lukutin, itapon, at
nagmistulang balewala --
walang isinulat at hindi sinulatan.