Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
G A Lopez Apr 2020
Noong ako'y nasa elementarya,
Ang pag-ibig para sa akin ay mahiwaga.
Hindi ko maintindihan
Kung ano nga ba ang kahulugan.

Marahil hindi ko pa nararanasan
Ang umibig at ibigin ng lubusan
Ngunit mayroong dalawang tao
Ang sa akin ay nagturo; narito ang kwento.

Maganda at payapa
Ganiyan ilarawan ng dalaga
Ang kaniyang mundo noong wala pa ang binata
Hindi lubos akalaing sa isang iglap ay mawawala.

Wala pa sa isipan ng dalaga
Ang pag-aasawa
Hanggang sa dumating ang binata
Nagsimula ng mangarap na sila'y maging isa

Hindi niya alam ang kaniyang motibo
Kung ito ba'y pagpapanggap o totoo
Basta't ang alam niya siya ay masaya
Kung panaginip man ay ayaw na nitong magising pa.

Ang babae ay nalinlang
Sa mukha ng isang lalakeng nilalang
Kaniya siyang binusog ng mabulaklak na salita
Ang lalake ay labis na natutuwa

Nagtagumpay ang plano
Sa likod ng kaniyang mukhang maamo
Dala nito'y tukso
Ang babae ay nabulag sa kaniyang panlabas na anyo.

Kaniyang ibinigay ang lahat
Pati ang mga bagay na hindi dapat
Hindi inisip ang bukas
Ngayo'y nagsisisi sa naging wakas

Sa tagal ng kanilang pinagsamahan
Mauuwi rin pala ito sa hiwalayan
Nagdaan ang mga araw
Ang lalake ay hindi na muling tumanaw.

Umalis na ng tuluyan
Mag-isa na lamang siyang nagduduyan.
Ang nasa kaniyang isipan,
Ay ang bata sa kaniyang sinapupunan.

Ang babae sa tula ay ang aking matapang na ina
Ang lalake sa tula ay ang aking duwag na ama
Si babae na takot masaktan ngunit piniling lumaban
Si lalake na duwag ngunit nagtatapang tapangan.

Ako ang naging bunga
Ng kanilang pagsasama
Sa katunayan
Ako ay bunga ng kasalanan.
I WAS RAISED IN A FAMILY WHERE WOMEN MADE IT HAPPEN WITHOUT MAN.
Pakibasa po ang kasunod ng aking tula'ng ito na pinamagatang "Tunay Na Pag-ibig"
Support natin ang isa't isa HAHAHAHA
AK na Makulay Nov 2019
Sa kasaysayan ng aking bukas na pagkamulat
Hindi lamang kaalamang pang-ibabaw kundi pati panloob nami’y binulabog
Hindi lang hinayaang sumakay sa bangka kundi pati pagsagwa’y itinuro
Binuksan ang inaakalang hindi na mahihigilap o matatagpuan man
Pero higit pang liwanag ang iyong ipinadama, at ipinahamon sa dilim na nagtuturo

Binusog mo kami ng kasaganaang higit pa sa inaasahan
Sa yakap ng pag-irog, pang-unawa at pagtuklas
Pamilyang naging karamay sa bawat hirap, gutom at pagsubok
Tunay na tahanan ng mga propeta, tunay na naging huwaran sa aming kalagitnaan
Hinubog mo kami ng may pagkakakilanlan buhat sa aming pagkakaiba’t iba

Kinalampag mo hindi lamang ang aming tenga, bibig at mata
Ngunit buong pandama nami’y iyong ginigising
Pati ang kaibuturan ng aming mga laman at buto
Inilubog kami sa karanasang nakakapagpabago
Upang konkretong sumaksi na may tapang at dangal

At dahil dito, sama-sama’t magkaagapay tayong kumikilos
Nakikiisa sa tanging layon ng Kristong sinusundan
Ang bukal ng kasaganaan at kahulugan ng buhay
Patuloy na bibigyang kulay at padadaluyin sa ugat’ dugo ng pakikibaka
Hayagang ipalalaganap at isasabog sa buong sangnilikha
Na may pagkilala sa Diyos na Buhay, ng Kasaysayan, Kaayusan, at Pag-ibig

Pagpupugay sa Tahanan ng mga Propeta, Union Theological Seminary!
Sa Sampung Dekada at Labindalwang Taon
“Masaganang Nananahan,
Buong Diwang Sumasaksi,
Bukas-palad na Naglilingkod!”
Isang Pagkilala sa Union Theological Seminary!
AK Tadiosa|October 20, 2019

— The End —