Pumasok sa bulwagan, mga tao'y nagtipon.
Ang pagbukas ng kurtina ang siyang sa'kin sumalubong.
Mayroong isang dula, napukaw aking atensyon.
Nakamumulat ng mata at may malinaw na intensyon.
Tanaw ang isang dalaga, pagsalita niya'y mahinahon.
Nananawagan sa madla, naghahanap ng tulong.
Kumakalam daw ang sikmura, pansin kanyang tensyon.
Sigaw lang ng dalaga, "Pagkain para sa nagugutom."
Alagad ng batas ang nakakita, dalaga'y sinakay sa apat na gulong.
Minaltrato ng sistema, inabuso kanyang dunong.
Binaba kaniyang palda, rinig sa dalaga ang pag-ugong.
Dinala siya sa korte ang dalaga, makasalanan daw at siya'y nakulong.
Hanggang sa kasukdulan, pait ang kanyang dinaranas.
Sa kamay ng batas, sa kamay ng nakatataas.
Dalagang lumalaban hanggang mawalan na siya ng bukas,
Ang pag-gahasa sa bayan, ngalan ng dalaga'y Pilipinas.