Dati-rati, palagi kong hinahangad sa sarili —
Sana'y dumating na ang panahong magagawa ko nang lisanin.
Dati-rati, palagi kong sinasabi na kaya ko na,
Sapat na siguro ang dekantong taon na paghahanda at pinagsamahan natin.
Dati-rati, tila ayaw ko nang manatili sa likod ng mga dakilang poste kung tawagin,
Naging uhaw sa naghihintay na mala-karagatang pangarap na sisisirin.
Dati-rati, ang kasalukuyang pagkakataon ang pinaka-inaasam,
Ngayon ikaw ang nais muling masilayan at makapiling lamang.
Alam ko malalim pa ang aking sisisirin,
Para sa pangarap at pagbabagong minimithi.
At sa bagong umagang darating, patuloy ko sanang maisabuhay ang mga aral na iyong ibinahagi.