Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
solEmn oaSis Nov 2020
Kung hindi ngayon kailan?
hanggang kailan mapipigilan
malikmata sa abang isipan?
Lumulobog nga ba
o sadyang pasikat pa
lang ang araw Kong nagigisnan?
Hanggang saan pa ba
ang kayang tanawin ng inyong kalooban?
'gang sa likod ba ng mga lilang
ulap at mala-kahel na papawirin?
Tulad rin ba niya ang inyong mga mata na mayroong tanglaw at panglaw?
Sa kung gaano kalalim ang lawak ng karagatan sa taglay nitong saklaw?
Kung kayo ang nasa katayuan ng namamasdan **** katauhan..
Mababatid ninyo kaya kung paano niya
minamalas ang nasa kanyang harapan?
Sa pakiwari ko'y hindi sapagkat talos kong nadaramang higit ng inyong mga puso...
Na ang nilikhang inyong nakikita ay walang nakikita sa malayong ibayo !
Hindi dahil sa siya ay naiinip lang na makita na ang kanyang minamahal..
Ang tutoo nangangamba na ako na baka hindi na niya maantay ang resulta ng aking pagpapagal.
Sapagkat kung ano man ang nilalarawan ng bawat kapaligiran..
Pikit mata ko na ipinipinta ang mga sandali kung paano ko siya daratnan !
Kaya ngayon na ang tamang oras
At di ko na kaya na ipagpabukas
upang sabihin sa kanya na hindi na ako mamamalakaya.
Mahal heto na ako sa iyong likuran..
'Wala akong hilang sagwan',
Ang bulong ko sa aking isipan..
Tatakpan ko ang iyong mga matang namamalakaya
Hanggang sa ang aninag mo muling maging malaya..
Dahil ang araw na ito ay hindi takipsilim para sa ating dalawa
Bagkos ang liwanag nating inaasam ay binibigay na ng bukang-liwayway !!!

Ngunit mga katoto kung ang sagot ninyo ay Oo..
Marahil inyo nang napag-isipan mga binibini at mga ginoo
"... Na kung minsan bago pa tayo may mapagmasdan
Madalas hindi agad namamasid ang lihim na kagandahan"
Bihira man bigkasin ang kasabihang...
" magkaiba yung may tinitingnan
sa mayroong tinititigan "
mula sa malikot kong balintataw
nailibing ko na ang pandemya ngayong araw ng undas at binuhay ang larawan ng masasayang
" ALAALA "
Jun Lit  Oct 2021
Kalimbahin
Jun Lit Oct 2021
Malambot ang kalimbahin,
talulot ng bulaklak na rosas,
tamang-tama sa pagpapagaan
ng masakit na pakiramdam
ng puro pasâ at bugbog-saradong lila
ng sugatang puso ng isang bansa -
sinugatan ng mga taon ng panggagahasa
ng mga pulitiko, at panghahalay
sa ekonomiya at lipunan.
Nagpapagaling ang kalimbahin.

Tamang timpla ang kalimbahin
ng matingkad na pulang dugo,
inialay ng mga bayani, nag-aalab sa banal
na pag-ibig, pagnanasang lumaban
para sa kalayaang tila napakailap
sa lahing puno ng kasawian
at ng dalisay na puting diwa
ng mga duminig sa tawag ng sambayanan
di alintana ang sarili, busilak tulad ng papel
na walang sulat, na sa ibabaw n’ya
ay mahihiyang maglapat ang isang makata
ng mga talatang sambay-bakod kumbaga.
Masaklaw ang kalimbahin.

Maliwanag ang kalimbahin
litaw na litaw sa tila itim
ng gabing pinakamadilim
sa ating sinalantang kapuluan,
at sa malabo, lalong kumukupas
na pangungunyapit ng bughaw-lilang kalangitan
subalit may sumisilip na’t nagpapalakas-loob
na sinag ng dilaw na araw muli, nababanaag
ang bagong Pag-asa ay binabasag
ang nakabalot na karimlan,
nagbabadya, ibinabaybay
ang ating kaligtasan
bilang isang bayan –
At kalimbahin ang kulay
ng bukang-liwayway.
This is the Tagalog translation of the previous poem "Pink."

— The End —