Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Mar 2021
sayaw, Eriko

isayaw mo lahat ng
sinabi niyang “mahal kita”
na pakiramdam mo’y totoo
nung mga panahong
umaalis kayo ng
isang araw kada-linggo
kasi dinadayo ka pa niya
sa Maynila

sayaw, Eriko

iindak mo at
isigaw mo sa mikropono
ang pabulong niya pa
noong unang sinabi,
“ako na lang,
iingatan naman kita”
sa maulan na gabi na ‘yun
noong iniiyakan mo
pa ang mga pangyayari
na kinagigitnaan mo

isayaw mo, Eriko

itawa mo lang ang sinayaw
niya sa sala mo
noong gabi na ‘yun
mashed-potato lang kuno
‘di ba?

halakhak, napamahal
ka sa mukha niyang
parang pinigang tuwalya noon
hindi naman siya guwapo
gaya ng lagi niyang sinasabi

umaray ka, Eriko

nasipa ka ng katabi mo,
pero naalala mo lamang
ang mga oras na nagsisipa
ka ng bato sa Makati
habang naglalakad kayo,
at kinukwento niya
ang pamumuhay niya noon
sa malayong lugar,
pawis na pawis kayo
pero ngiti niyo’y abot langit

talon, Eriko
palakpak

ilang buwan na rin ang lumipas
noong huli kayo nagkausap
binati mo siya ng
maligayang kaarawan,
kahit ang araw mo nun ay
malayong-malayo sa maligaya,
kapos sa saya,
kapayapaa’y nahahanap
mo lamang pag nandiyan ang
barkada

kalma,
inom ng tubig,
Eriko, kawayan ang bote ng alak,
pero huwag kang lalaklak

hinga,

ipanalangin mo na lang na siya’y
maging masaya,
dahil alam mo naman na
iyon ang tama.
10/8/18
Written by
Ten Mercado  25/F
(25/F)   
10.0k
 
Please log in to view and add comments on poems