Bakit sa una'y halos sumakit na ang tiyan kakatawa At maya't maya'y tumutulo na ang mga luha sa mukha? Napapaiyak na lamang sa sulok Unti-unting kinakain ng maitim na usok
Namamanhid na't halos di makilala ang sarili Nais ko ulit bumalik sa panahong wala pa akong alam sa mga nangyayari Ang mga ngiti ko noong kay tamis Mga tawang walang halong lumbay at hapis.
Pilit kong kinakalimutan ang aking mapait na nakaraan Ngunit bumabalik balik pa rin lahat ng ala-ala sa aking isipan. Ang sabi nila'y tigilan ko na ang mamuhay sa nakaraan at iwasang magkaroon ng galit sa kapwa, Paano maaalis ang galit sa aking puso Kung ang dahilan nito ay ang taong nag-iwan ng masakit na marka sa aking pagkatao?
Sa tinagal tagal ng panahon, para bang naging bato ang aking puso Bawat pintuan ay may kandado Bawat bintana ay sarado Ibang-iba na sa dating ako.