ang mga paa'y dinala ako sa tapat ng aking bintana doon nasulyapan ang kabilugan ng buwan at pagkinang ng mga tala ngunit ang isipa'y nananatiling balisa; tila naghahanap ng himala 'di malaman-laman kung saan at papaano mag simula
aking hiniling sa nag-iisang bituing nagniningning na sana'y dinggin ang aking panalangin nawa'y pakinggan ng uniberso at tuparin ang aking mga plano ituro lang tamang landas kung saan ako tutungo
ngunit balewala lahat ng hinaing kung mananaig ang daing 'wag pilitin ang sarili; hintaying sumiklab ang apoy na nanalaytay sa'yong puso't damdamin 'wag ikumpara sa iba ang sarili 'pagkat ikaw ay may sariling istorya rin
madilim man ang landas ang iyong tatahakin; kumpiyansa sa sarili'y matatangay pati na ng hangin ang mga buwan at ang mga tala'y makikidalamhati sa'yong pighati ngunit ang kanilang pagningning sa kabila ng bumabalot na dilim ang magsisilbing ilaw— liwanag at daan na magsisilbing palatandaan na darating din ang iyong araw