Sa bawat paglipad ng diwang mapanglaw, handang mararating ang di masasaklaw, wari'y walang pagal yaring paglalakbay, kahit saang sulok ng sansinukuban.
At saang dako man akong magmamasid, ikaw bukod tanging nakita ng isip, kung masilayan man ang loob niring dibdib, laging larawan mo ang ninitang wangis.
At sa pagkahiga't hanggang sa maidlip, ikaw yaring dalaw sa hapo kung isip at ang laging huling mutawi ng bibig; "Makapiling nawa, kahit panaginip".
At sa pamimitak ng bukang liwayway, tanging hinihiling na masisilayan, ang iyong pagngiti kahit sulyap lamang at di ipagkait ang sigla sa araw.