Sa pagitan ng mga panahong hawak mo ang aking kamay at inialay mo ang iyong bisig upang maging tahanan ko, minahal kita.
Nang ilapat mo ang pangalan ko sa lirico ng isang awitin at ginawa itong atin, minahal kita.
Noong tinupad mo ang pangakong samahan akong panoorin ang paborito kong palabas sa sine, minahal kita.
Noong binago mo ang kulay ng pag-ibig at gawin itong bughaw, minahal kita.
Nang maging laman ako ng mga isinulat **** awitin, minahal kita.
At maging hanggang sa mga oras na tapos ka nang umibig, minahal pa rin kita.
-
Sa pagitan ng awang ng aking mga daliri, ramdam ko pa rin ang init ng kamay mo.
Tumitigil pa rin ako sa tuwing sumusulpot sa radyo ang awiting minarkahan na ng pagmamahal mo.
Nasa dulong bulsa ng pitaka ko ang tiketa ng bawat palabas na pinanood natin nang magkasama
At kahit pagkatapos ng lahat ng tula at kantang naging supling ng parehong pagmamahal at pighating dulot mo, bughaw pa rin ang kulay na idinikit ko sa pag-ibig.
Marahil hindi tagumpay ang sumalubong sa atin nang lumubog ang araw at mag-isa kong hinarap ang umaga, sapat na siguro ang mga naisulat na tula’t awitin upang maging pananda ng hindi natin pagsuko
At nais kong paniwalaan na sa pagitan ng mga linya at lirikong ito, minsang nanahan ang pag-ibig.
Buong pagkatao kong tinatanggap na ang pagmamahal ko na minsang naging rason mo ng pananatili ang mismong nagtulak sa’yong bumitaw.
Marahan mo sanang isara ang pinto sa’yong paglisan.