Hindi na ako muling uulit sa mga saglit ng pagiging makata sapagkat mahapdi sa tenga ang magkaroon ng isang bagong awit kahit pa walang mabulaklak na salita ang paliparin dinig pa rin ay ang bulaang himig ng pagiging batang ganid
Sapagkat musmos pa, at isinumpang maging mahina dapat na laging maniwala sa mga sabi-sabi sumunod sa paikot-ikot na pagkirot na dulot ng pagiging salot naniniwalang kami’y uod ganid sa mga pangarap na dulot ng paglaki Ngunit ang totoo’y hangad lang namin ay lumipad, at maging malaya
Bakit nga ba ganid at mapangangkin ang tingin sa mga makata? dahil ba ang kanilang mga awit ay tungkol sa pagbibigay laya? Bakit nga ba mayabang at mapagmataas ang tingin sa mga bata? dahil ba sa kanila’y nag-aabang ang panibagong bukas? O lahat ay dahil sa mga sabi-sabi ng mga matatanda.
Ito na nga ang huli kong awit Sapagkat ang pagiging makata At ang pagiging bata Ay ang pagbabakas ng bagong paniniwala.
Nagsalita na Naman ang Baliw Michael Joseph Aguilar Tapit