Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Nov 2018
Ito ang huling hapon ng mga alaala,
kupas na larawang sinikap maipinta
mga araw at gabing lipas na ng panahon
sa pag-indayog ng abo, at pagkaway ng damo
paalam sa mga nakaraang siphayo
paglubog ng araw, at ang buwan ng pag-ahon
sa hapon, at sa paglamon ng dilim sa liwanag
ang pagwaksi sa sariling naging duwag

Tapusin na ang dalita sa iyong gunita
Mga araw na unos ng paghihikahos
pagkapaos sa bigong pagsusumamo
sapagkat ito ang oras ng pag-agos
pagdaloy ng tubig, pagpawi sa kapos
sa agos, sa pagpaparaya, sa mga alaala

Bagamat tayo ay binuo ng mga pagsubok
at may mga lamat ng pagkapusok
alalahanin, tayo ay mga piraso
ng isang buong sining ng Maylikha
pagsamasamahin, tayo ay buo
magkakahiwalay man ay nabubuklod
hangaring mabuti ang maglingkod.

Simula
Michael Joseph Aguilar Tapit
Michael Joseph
Written by
Michael Joseph  22/M/Philippines
(22/M/Philippines)   
996
 
Please log in to view and add comments on poems