Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Sep 2018
Tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
"wala dito, kanina pa umalis mama ko"
utos sa anak na walong taong gulang
habang nagtatago sa palikuran
"sabihin mo sa mama mo, na nagbigay ako ng ulam"
"salamat po ninang!"
"walang anuman", bago siya lumisan.

tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
"wala dito, kanina pa umalis mama ko"
utos sa anak na walong taong gulang
habang nagtatago sa palikuran
napakamot na lang ang naniningil ng utang
gigil na nagpaandar ng motor
sapagkat siya'y nagulangan

tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
sa pagkatok, tanong ay "tao po?"
sagot ay "tao po"
biglaan ang pagka gulantang
"anak, dali! magtago ka doon sa palikuran"
alam na niya kung sino ang dumating
takot ang bumalot sa kapaligiran
namumugtong na mga mata
at nginig na mga kamay na parehas kumakaliwa
bakas ang kaba sa mukha

at tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
ang pinto'y hindi binubuksan
nabasag ang katahimikan kasabay
ng pagbagsak ng sirang pintuan
nasurpresa sa kanyang mga bisita
nangingilid na ang luha
bigay todo ang pagmamakaawa
isa dalawa tatlo, hanggang anim
anim na nakaunipormeng magsasaka
hindi palay ang itinatanim, kundi bala

kasabay ng panlalamig ng katawan
ang ingay ay nilamon bigla ng katahimikan
at kasabay ng katahimikan
ang kanyang ina
ay
binawian
ng
buhay...
© 2018 Kenneth Bituin
All Rights Reserved.
Wolff
Written by
Wolff  Philippines
(Philippines)   
  19.9k
     Bridjitta, AKIKO, MM, Rick, jerely and 2 others
Please log in to view and add comments on poems