Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Mar 2018
Ngingiti ka na naman;
Lolokohin mo na naman ang buong mundo,
Paniniwalain ang lahat ng tao,
Uutuin maging ang sarili mo--
Na ayos ka lang,
Na wala kang problema,
Na patuloy kang lumalaban
Sa buhay kung sa’n
Ang sarili ang iyong kalaban.
“Ayos lang” ang iyong sagot sa tanong na “kamusta ka?”
At ngayon ko lamang napagtanto na palabiro ka pala.
Lahat nang ‘yan, iyong itatago sa iisang ngiti.
At sa iyong pagkukubli,
Lahat ay napaniwala.

Tatawa ka na naman;
Muling ipaparinig ang iyong halakhak.
‘Yung tipong mabibingi silang lahat
At masasabing ikaw ay masaya at tapat.
Pero ang bawat ritmo ay kumpas ng kasinungalingan
Na hindi namamalayan dahil sa lakas ng tawanan.
Itutuloy ang tawa hangga’t ang kasiyahan ay maisilang.
Pambihirang panlilinlang.
Daig mo pa ang hunyango pagdating sa pagtatago.
Lahat idaraan mo sa tawa, hindi dahil masaya ka,
Kundi dahil wala kang mukhang maihaharap.
At sa iyong pagpapanggap,
Lahat ay napaniwala.

Mananahimik ka na naman;
Mambibingi gamit ang saradong bibig.
Sasampalin ang buong mundo ng kantang walang ritmo,
Walang liriko, at walang nota.
Dahil hindi tengang handang makinig ang iyong kailangan,
Kundi pangunawa at ang maintindihan.
Mahirap bang gawing salita ang iyong nadarama?
Hirap ka bang magsabi ng kahit ano sa kanila?
Kaya’t mananahimik ka na lang
At paparoon sa isang sulok.
Aawit nang pabulong,
Rinig lamang ang iyong suntok.
At sa iyong pananahimik,
Lahat ay napaniwala.

Mangangamba ka na naman;
Matutulog na lang, sasaktan pa ang sarili mo.
Titingin sa paligid at magiisip nang kung anu-ano.
Kahit ano.
Kahit masakit.
Hanggang sa maaawa ka sa kalagayan mo ngayon
At Iiyakan ang sariling takot bumangon.
Malulungkot, magagalit
At mapapatanong kung bakit.
Bakit ganito? Bakit ganyan?
Bakit ang mata mo ngayo’y luhaan?
Minsan tulog na lamang iyong hiling,
Pero pagod ka pa rin maging sa paggising.
Mangangamba at iisipin ang lahat.
Lahat sila,
Lahat ng iyong napaniwala.

Pero hindi ako.
Ibahin mo ako,
Simula’t sapul, hindi mo ‘ko maloloko.
Hindi mo ‘ko mapapaniwala, hindi mauuto,
Dahil kilala kita,
At alam ko ang pinagdaraanan mo.
Alam kong hirap ka na sa pagsubok ng buhay.
Mistulang ang bawat araw ay pare-pareho na lamang,
Walang bago, puro tabang.
Maaaring tensionado ka, dulot ng paaralan.
O ‘di kaya’y dahil diyan sa mga tinatawag **** “kaibigan.”
Pwede ring dahil sa iyong tahanan.
Dahil sa sakit na dulot ng kung ano man.

Kilala kita.
Alam ko ang nararamdaman mo.
Alam kong gusto mo nang huminto,
Gusto mo nang itigil ang laro,
Pagod ka nang bumangon,
At takot nang umahon.
Tulad ng isang dahon na kahit kalian
Ay ‘di maibabalik sa punong pinanggalingan.
At iyo na lamang inaantay ang iyong paglanta.
Sa isang lugar, inirereklamo ang tagal ng pagkawala.
Dahil ikaw ay sawang-sawa.
Paulit-ulit na lamang.
May galit, may pait pagkatapos ng hagupit.
Babangon, sasaya, at muling babalik sa sakit.
Alam kong luha ang ‘yong nais ipabatid,
At hindi ang iyong mga tawa.
Dahil dama ko ang iyong lungkot sa tuwing ika’y masaya.
Alam kong hirap ka na.
Alam ko, alam ko.

Kilala kita.
Alam ko ang pagkatao mo.
Hirap ka nang kumapit, alam ko.
Dahil mahina ka,
At ‘di mo kailangang magpanggap;
Alam ko ang iyong hanap.
Ngunit nawa'y maintindihan mo,
Tanggap kitang buo at totoo.
Pwede ka nang umiyak,
Pwede mo nang bitiwan ang 'yong sandata,
Pwede mo nang ibaba ang iyong kalasag,
Pwede ka nang maging totoo.
‘Wag nang magpanggap na malakas ka,
Pwede kang maging mahina.
Pwede mo nang burahin ang iyong ngiti.
Pwede kang umiyak,
Hayaan **** dumaloy ang mga luha.
Sige, isumbong mo lahat,
Sabihin mo ang lahat sa akin,
Akala mo ba’y ‘di ko napapansin?
Sumuko man ang araw at nagdulot ng dilim,
‘Di kita susukuan at mananatiling taimtim.
Patuloy na kumakapit,
Inaantay ang 'yong paglapit.
Alam kong mapapatanong ka na naman kung bakit.
Bakit alam ko, at bakit ganito.
Pasensiya kung may pagkukulang man ako,
Ngunit hiling ko lamang na ikaw ay magkwento.
At sabay tayong ngingiti at tatawa,
Saba’y tayong iiyak sa drama.
Yayakapin kita,at patuloy na uunawain,
Dahil 'yun lang din naman ang gusto kong gawin.

Sabi ko nga sa’yo, kilalang-kilala kita.
At ‘di tulad ng iba,
Hindi mo 'ko mapapaniwala.
Dahil siyempre, ako ang 'yong ina.
AnxiousOcean
Written by
AnxiousOcean  20/M/Philippines
(20/M/Philippines)   
10.9k
 
Please log in to view and add comments on poems