Aanhin pa ang tula kung tuyo na ang tinta? Sa hangin pakakawalan, palalayain sa Hangganan Handog ng ulirat na wala mang tinig, sumisigaw Nakabalot sa liwanag ng itim na araw Isinilid sa baul na pinalubog sa dagat Balang-araw, lulutang dala ang luhang may alat. Para saan ba ang tula kung walang nakaririnig? Marahil... para sa mga dahong sumasayaw sa tubig Mga bangkang naghihintay ng kahit kaunting ihip Mga kamay na kumakawala mula sa gumagapos na lubid. Aanhin pa ang tulang nakakulong na sa bibig? Aanhin pa ang tulang iwinagli na ng isip? Paalam sa mga tulang tinangay na sa himpapawid Paalam, mga saranggolang inari na ng langit.