Tumatalbog-talbog sa sahig ng aking mga ala-ala ang bola ng jackstone ng até at sipang tingga ng kuya
paroo’t parito ang mga trumpo’t yoyo sa mga tumpok ng inipong alabok ng kabataan kong inihian ng kahapon upang maging kalamay at putu-putuhan - na waring napanis na sa paminggalan ng kompyuter at tuluyang ibinaon sa puntod ng mga cellphone.
Sa kamposanto ng mga ala-ala nagmumulto pa rin ang kahirapan di na kailanman matatakasan
sa bawat lagok, mainit na humahagod sa lalamunan ang mga tagpo sa mga dula’t pelikula sa pinagpugarang bahay na ngayo’y nagiba na: pagkatapos ng maghapon: itutulak mo ang kaning mahalimuyak - isinaing ng Inay ang kinandang-laon inutang pa sa taga-Quezon wala kahit kapirasong tuyong maisabay walang iba, tanging ikaw, masarap nang sawsawan at sabaw.