Araw-araw bumabangon sa sariling saliw; ginigising ng gutom na kumakahig sa bituka. Minsa'y may buwan pa. Minsa'y may araw na. Palagian, walang laman ang platong hapag sa sahig na simot sa mumo.
Katamaran!
Katamaran ang limang-minutong pahinga mula sa pag-araro ng lupang 'di pag-aari. Katamaran ang pag-inom ng tubig sa gitna ng pagkayod sa araw na tirik.
Batugan kung tawagan -
palamunin
- mga litid na sakal,
makabagong alipin.
Mga matang idinilat ng karahasan, mga iyak na busal ng kasadong bala -
Ngayon, gigising.
Gigisingin hindi ng kalam sa tiyan. Binalda ng pang-uumit - bubulabugin ng kapagalan mula sa impyernong tahi ng bukirin.
Gigising sa sariling saliw; hindi sa gutom na gumuguhit sa bituka.