Gusto kong punuin ng letra ang bawat pader ng kwarto Yung tipong wala akong makikita na kahit maliit na espayo. Gusto kong guhitan pati ang sahig at kisame At dungisan ang salamin sa bintana Hanggang sa wala na akong masambit pa.
Gusto kong kalimutan ang bawat mensahe na pilit **** pinapaalala Sa bawat sandaling sabi mo'y hindi kukupas ang mga naipinta. Ang makulay na pader ay pininturahan ko ng puti Ngunit ngayon, ang bawat salita ay wala nang halaga.
At gaya ng pader na kulay puti, Wala akong makitang dahilan para balikan ka. Wala akong maaninag sa bintana na kahit katiting na pag-asa. Ayoko nang bumalik pa Kasi ilang beses na akong napuruhan.
Sa isang iglap, nakalimutan ko ang mga salitang "mahal kita." Napuno ng masasakit na salita ang bawat pader Na kahit sa aking pagtingala Ay nananatili akong gising. At sa pagpadyak ko ng mga paa ko, Napuno ng bubog ang sahig na dating makintab.
Nagdurugo ang aking mga talampakan At hindi ko maintindihan ba't ngayon lang ako nasaktan. At kung bakit pa ako pilit na bumabalik Sa alam ko namang madilim na silid-higaan.
Inisa-isa kong tupiin ang mga damit sa lapag At pinuno ko ang aking maleta ng tanging mahahalaga lamang. Gusto kong bumawi sa sarili ko At ngayon, aalis na ako -- Hindi ka na mahalaga.