Sa minsan kong paghawak ng isang panulat At sa sandaling panahon na mata'y idinilat Masakit na katotohanan ang sa aki'y sumambulat At mga katiwaliang di man lang maisiwalat
At kaya nga nabuo ang una kong tula, Punong - puno ng emosyon na pawang mga luha sa kahabaan tila ba naging dula, Dalawampu't limang berso:pawang may tugma
Hindi ko alam kung bakit at paano Sa mga isyung pambansa,wala ngang alam gaano Pero basta't tinamaan ako ng inspirasyon, Biglang gumagana itong imahinasyon
Mga salita ay rumaragasang tuloy - tuloy, Parang tubig sa ilog,walang tigil sa pagdaloy Nag - uumapaw sa kaisipan at sadyang matalinhaga Tunay na nagmumula sa puso ng makata