Naglalaro tayo, Pero hindi parang biro. Mayroong taya, Pero hindi alam kung sino. At walang tayo, Pero sana’y parehas na manalo.
Sisilip ang pusong walang pagkukunwari. At sa tikas at dunong ng iyong pananampalataya, Pawang gabay sa nauuhaw na sandali. Ang baryang sentimo’y itinabi nang kusa, Pagkat umuusbong ang pagsinta Sa para sanang taglagas na paghinga.
Nais kong siyasatin ang maamo **** mukha At ang pagkukumbaba’y batid kong patas at di ulila. Iyong mga kamay, yapos silang mga uhaw At ang tula’y binalot ng pakikipaghimagsikan.
Dukha ang pag-ibig ko, Bagkus hindi mamamalimos. At sa mala-larong pag-iibigan, Magwawagi rin tayo.
Sapat na ang nalalabing mga sandali’t Armas nati’y ibibigkis pa rin sa Langit. Pagkat hindi lilisanin ang Harding may bukal ng pag-ibig.
Tataya ako’t hindi ka muna gigisingin Sa himbing ng paghikbi’y, ako’y gapos ng katotohanan. Sinta, hintay lamang; pagkat matatapos din ang laro Gigising tayong muli’t bibihisan ng pagsuyo.