Ilang buwan na ang lumipas
Nang gisingin ako ng agos ng tubig sa dalampasigan
Puti ang buhangin
At kumakapit sa kayumanggi kong mga balat
Ang halik ng Haring Araw.
Laking-gulat ng lahat nang anurin ako
Ng napakalakas na hangin patungo sa Isla
At doon bumungad sa akin ang Pitong Karagatang
Mitsa ng aking pagbangon sa kasalukuyan.
Naghilamos ako sa maalat na tubig
At doo’y naging kakulay ko ang kanilang lahi
At inangkin nila ako
Gaya ng isang parte ng isang pamilya.
Bumukod ako sa pag-aakalang iba ako at iba sila
Hanggang sa ang ako ay para sa kanila pala
Nagbunga ang pagbuhos ng Langit ng kanyang kasiguraduhan
At doon ako'y hindi na isang dayuhan
At alipin ninuman.
Kinuha ko ang kurtina sa aking bintana
At tinapon ko sa aking likuran
Kasabay ng paniniwala kong babalik ang Araw
At ako'y muling aagusin ng napakalakas na alon kagaya noon
At sana --
Sana nga makabalik na ako
Sa aming tahana'y
Babalik na ako.