Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Agust D Jan 2022
ikawalong baitang nang ika'y makilala
isang diwatang nag-anyong dalaga
tila'y isang biyayang hatid ni Bathala
handang maging alipin na itinalaga

isang reynang naligaw sa isang kaharian
ako'y iyong kawal na handa kang pagsilbihan
ikinagagalak kong ako'y 'yong manduhan
walang mali sa 'yong kagustuhan

ngunit kasabay ng paglipas ng bukang-liwayway
tadhana nating dalawa'y biglang nabalutan ng lumbay
nagsimula tayong matatag at dalisay
ngunit ang daan nati'y nagkahiwalay
at tuluyang nabalot ng kulimlim ang huwad kong buhay

sana'y noong una pa lamang ay niligawan na ang Paraluman
nang hindi sa isang mahapding katotohanan
na ngayo'y pilit na binabalikan
ang pagsikat hindi na muling mahahagkan

kung iadya man ni Bathala na ika'y maligaw
sa isang kahariang mapurol at maginaw
hahanapin ko ang kaisa-isang kaharian na ang reyna ay ikaw
Tatlong Daan at Animnapu't Limang Tula para kay Mayari: Ikaunang Pahina
Agust D Apr 2020
maitim ang gabi
patagong hikbi'y
nagmumulto sa tabi
nagpaparamdam, pasintabi

kwentong nakaukit sa dilim
binabalik-balikan, palihim
umaasa nang mataimtim
nawa'y bumalik sa takipsilim

hangal mang maituturing
alaalang matagal nang nakalibing
ay muling bubuhayin, sinungaling
eksena, alaala, nakakahumaling

natapos na ang ulan
maaari na bang tumahan
magpahinga't lumaya nang marahan
upang mabitawan, panandalian
Hiraya ng Pag-ibig
Agust D Feb 2020
papunta't pabalik
panahong nasasabik
alaalang bumabalik
nalulumbay, tahimik

munimuni't hiraya
guniguni't pantasya
tumatakbong nakataya
tadhana'y trahedya

pagsamo't lumalaban
kinabukasa'y hinulaan
dumata't kinakatakutan
kinakatakutang paglisan
Hiraya ng Pag-ibig
Agust D Feb 2020
umagang kay lamig
napapaos na tinig
sintunadong himig
sana'y may makarinig

nauutal na bibig
nanghihinang mga bisig
matang hindi maka-titig
sa mga hindi masabing katinig

tagimpang makisig
kumukupas na daigdig
humihinto ang bawat pintig
nawa'y dinggin ang pahiwatig
Hiraya ng Pag-ibig
Agust D Apr 2020
may isang natutulog sa kalye
walang sala, walang detalye
walang makain, walang tirahan
ngunit ikinulong tila'y makasalanan

"mahirap maging mahirap"
said ng mga matang nagpapaki-usap
nang gayo'y makahanap
ng pagkain sa pamilya'y maiharap

at ang isa'y pinaiimbestigahan
dahil umano sa ilegal na pamamaraan
ng pagtulong sa kanyang nasasakupan
kailan ba ito naging kasalanan?

o, Pilipinas, ika'y binabantaan
patagong tinatangay ang iyong kayamanan
mga anak mo'y pinahihirapan
sa kalagitnaan ng krisis, ika'y pinagsasamantalahan

o, Pilipinas, naliligaw ang iyong landas
ika'y inaapi, inaabuso nang marahas
waring pinaglalaruan ang batas
ng isang nag-aanyong taong hudas

halika't iyong ipaglaban
ang bansang ating sinilangan
basagin na ang iyong katahimikan
at h'wag hayaang manaig ang kasakiman

pakinggan, dam'hin, at tignan
h'wag ka munang lumiban
sapagkat kailangan ang iyong katapangan
sa umuusbong na digmaan
Isang Tulang tungkol sa Politika
Agust D Feb 2020
malamig na hanging sa aki'y nagdampi
kawalan ng pag-asa'y pilit tinitimpi
lumalalim na ang hating gabi
maririnig na ang pintig ng paghikbi

tila'y nakatitig sa makulimlim na tala
humihingi ng katiting na himala
pagkat ako'y nalilito't nababahala
sa isang umuukit na tanikala

sekretong nawa'y hindi maibunyag
nawa'y hindi rin sakupin ng sinag
ang lihim na unti-unting lumiliwanag
h'wag hayaang lumayag, kumakalas na bihag

sa susunod na habambuhay
sana'y mawala ang ingay
ingay na punong-puno ng lumbay
nawa'y magabayan ang paglalakbay
Mga Tulang sinulat sa Dilim
Agust D Mar 2020
bawat segundong lumilipas ay iuukit
serye ng alaalang nakakaakit
lahat ng ito'y iguguhit
kahit ang luha na'y napupunit

lumalalim ang huwad na panaginip
mapaglaro't malilikot na kathang isip
eksena't larawang nabuo sa isang idlip
pilit inaalala't sinusundan ang ihip

binabagtas ang hirayang aguhon
walang depinisyon, walang direksyon
waring nakatali sa matamis na kahapon
pilit kumakawala sa paraang kay hinahon

hinahanap ang liwanag sa dilim
dilim na kumukubli sa isang lihim
sa iyong paglisan, ikalabing-anim
nawa'y makita ka sa takipsilim
Hiraya ng Pag-ibig
Agust D Mar 2020
puti, para sa malinis na intensyon
para sa mukhang sigaw ay perpeksyon
ako't ikaw ay hanggang sa imahinasyon
walang katapusan, walang limitasyon

pula, para sa mabungang alaala
walang humpay na pagsasaya
hindi matapos-tapos na tawa
pula rin, para sa pagibig na pinalaya

asul, para sa nakakubling nakaraan
mga naburang tawanan
naburang talaan
at naburang pangalan 

itim, para sa pusong nagdadalamhati
para sa natamong sugat at pighati
mga nawalang sabi-sabi at bati
itim, para sa pag-ibig kong nahati
Hiraya ng Pag-ibig
Agust D Feb 2020
gulong-gulo sa sistema
nagbabagong mga klima
nauubusan ng salitang maitugma
sa gabing malamig, ikalabing-lima

namamaalam, dating eksena
eksenang nabuo sa pantasya
binabalot ng tuwa't halina
tuluyan nang dumidistansya

tila'y pilit pinupuna
sandaling naglalaho na
tuwing nasisilayan
binabalot ng iyak ng paglisan

kumukupas na ang mundo
memoryang nakakandado
nawa'y mapagtanto
nawa'y mapagtanto
Hiraya ng Pag-ibig
Agust D Jan 2022
nakaw lang ang mga sandali
ngunit tayo'y nakangiti
kahit hindi ma'y magkatabi
sa puso ko ika'y mananatili

sa iyong buhok na manipis,
sa balat **** kay kinis
ang iyong tangkad na hindi labis
at ang iyong nakakabighaning ngiti

sino ba naman ang hindi mahuhumaling
sa isang gaya mo, walang maihahambing
sa aking huwad na buhay, isang ikaw ang dumating
kinulayan ang aking buhay, isang kang luningning

ngunit ang tadhana nati'y hinatulan
emosyon ko'y hindi napigilan
ako'y nawala, sa ere ika'y binitawan
lubos na nagsisisi, ba't ka nga ba pinakawalan?

sa mga panahong lumipas
ilang beses mo na akong binigyan ng tsansa
ngunit sa sarili' ako'y nagdududa
na baka maulit ang aking mga nagawa

sa panahong ika'y muling mahagkan
buo na'ng puso't isipan
ika'y hindi sasaktan't iiwanan
ngunit ang kapatawaran mo ba'y aking matatamasan?

nawa'y sa aking paghilom, ay nariyan ka pa
hihintayin kita't tayo'y magsisimula
mapaglarong tadhana ginawa tayong taya
nawa'y tayong dalawa ay tuluyang makawala
Tatlong Daan at Animnapu't Limang Tula para kay Mayari: Ikalawang Pahina
Agust D Jul 2021
kumusta, kaibigan?
halika't pakinggan
ang istoryang dapat **** malaman
sana ako'y iyong paniwalaan
dahil hindi ito kathang isip lamang

hindi ko alam kung kailan 'to nag-umpisa
ano, bakit, o paanong nangyari, limot ko na
bigla nalang nakaramdam ng lungkot at pagkabalisa
patagong pagtangis sa gabi'y aking iniinda

habang ako'y nakatulala sa tala
tinatanong ang mga bakit kay Bathala
may mga boses na nang-aabala
hindi makita-kita, sino kaya sila?

pagkagising sa umaga'y nariyan na naman sila
kasabay ng aking almusal ay ang prisensiya nila
ngunit meron akong naisip na ideya
sa wakas ay matatahimik na siya

sa paglubog ng araw sa kanyang kanlungan
kasunod nito ang paglaya ko sa bilangguan
ingay na naririnig, nawala na rin nang tuluyan
ngunit kasabay nito ang aking paglisan

kaibigan, sana'y iyong maunawaan
sa pagtatapos ng aking istorya
ako'y tunay na naging maligaya
ang aking buhay gumaan't guminhawa
kasabay nito ang pagtahimik nila

sa pagkupas ng aking larawan
kasabay ng pagpatak ng ulan
aagos ang lagaslas ng dalampasigan
at ako'y tutungo sa paraisong kalangitan

kaibigan, ako'y hindi lumisan sa mundo dahil ginusto ko
kundi para ito sa ikakatahimik ko
Mga Tulang sinulat sa Dilim
Agust D Jan 2022
sa pangatlong araw ng pagsikat,
sa isang lamesang puno ng kalat
dumating na'ng isang hudyat
sa isang makathang pagsusulat

kasabay ng pagdaan ng panahon
ang pag-alala sa maling nagawa ng kahapon
sa aking paglisan, tumahak ng ibang direksyon
batas ng tadhana, tayo ay hinamon

waring nabighani sa kaniyang aparisyon
sa kaniya'y sumama, pinakinggan ang tugon
ngunit lingid sa aking pag-iisip, siya'y hamak na ilusyon
ako'y niligaw, tinangay ang aking aguhon

sa panahong ako'y naliligaw
sa desisyong tinahak, isang mapurol at maginaw
bakas sa aking munting balintataw
ang hangaring gustong bumitaw

ngunit dumating ang aking kinatatakutan
ako'y naligaw, sa isang mapurol na bilangguan
ang aparisyong pinaglalaruan ang aking isipan
pilit na tinutulak sa aking magiging hantungan

hindi ko ninais na ika'y iwanan
nais kong ilahad ang aking pinagdaanan
ngunit hindi ito sapat sa nagawang kasalanan
lipos ang pagsisisi, na ika'y binitawan

hahamakin ang lahat, ako'y uuwi sa ating tagpuan
walang nang aparisyong hahatol sa ating pagmamahalan
ngunit nariyan ka pa ba? o ako'y tuluyan nang kinalimutan?
gayunpaman, ako'y naririto, naghihintay, na muli kang mahahagkan
Tatlong Daan at Animnapu't Limang Tula para kay Mayari: Ikatlong Pahina
Agust D Jul 2021
panahong kay init at samot-saring pangyayari
ilalabas ang kwaderno't magsusulat ng hirayang bahaghari
iba't ibang mukha, ngingiti't tatawa kunwari

sa galaw, pananalita, at sa pagsulat ng kamay
pagkaguho, pagkawasak, at araw-araw na pagsasablay
sa mga bagay-bagay na 'di maiakbay
salungat sa sinyales na aking hinihintay

biglaang pagkalito, gan'to na ba ang takbo ng mundo?
kamay na animo'y tinanggal
paang singbikat ng bakal
hininga'y laging nasasakal
makakawala pa ba sa kasulukuyang estado?

nais nang kumalas, sa hindi nakikitang rehas
walang depinisyon, wala ring direksyon
hikbing palihim, kalungkutan sa takipsilim
naliligaw, nababaliw, sa indak na hindi inaral ngunit nakabisa pa rin
Mga Tulang Sinulat sa Dilim

— The End —