071816 #3:18PM #RobPalawan
Muling mauutal ang puso
Buhat sa naantalang pagtatapat.
Ninais ko noong lisanin ang paghihintay
At magbakasakaling
Panahon na ng pag-ani ng pag-iibigan.
Ni minsan,
Hindi ka nagpadaig sa pana ni Kupido,
pagkat marahil may lamat kanyang gintong palaso.
Patuloy akong magbibilang ng bawat dahong nalalagas,
Aaninag sa araw na siyang minsang pumipiglas,
At sisenyas sa hanging hinahawi ang kawalan --
Kawalang hindi tunay,
Pagkat pag-ibig, aking buhay.
Ilalaan ko sa kalawakan
Ang talatang tila walang saysay,
Makikipagbalagtasan sa pagkitil
Ng mga linyang nahihimbing.
Ako'y saksi sa malawak at malalim
Na mahikang di naglalaho,
Sa eksperimentong walang kemikal
Bagkus puro't siyang natural,
Sa paglalambitin ng mga bombilyang
Hindi papupundi,
At mga tuldok na hindi katapusan.
Yayariin ko ang klima ng pusong hindi kalmado,
Bituin ng pagtatapat ay aangkinin,
Pagkat halaga nito'y
Wagas na pag-ibig.
Hindi ako susuko,
Tatagpiin nang kusa
Ang liham ng sagrado kong pag-irog.
(Pagkat naiisip na naman kita. Marahil baliw ang pag-ibig, pero nasa tamang pag-iisip ang katauhan. Patuloy kitang ipagdarasal, maghintay lang tayo.)