Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Bayani --
Sa tuwing nagtatapo ang aking kanang kamay at ang aking dibdib
Doon ko mas naisasaisip at naisasapuso ang pagiging isang Pilipino
Na hindi ako isang banyagang titirik sa malaparaisong lupain
At panandaliang mabibihagni sa mga likas na yaman
O mismong sa mga modernong Maria Clara
O mga aktibisang nagmistulang mga bayani
Sa kanilang walang pag-imbot
Sa pagsulong nang may paninindigan
Sa kani-kanilang ideolohiya.

Sa araw-araw kong pagbibilad sa araw
At pagharap sa bawat pagsubok na minsang nakapapatid at nakapagpapatalisod,
Ni minsa'y hindi ko pinangarap na gawaran ng salitang "bayani."

Dito sa aking Bayang, "Perlas ng Silanganan,"
Ako'y nahubog maging sanay at buo ang loob
Hindi ng mga kahapong idinaan na sa hukay
At nagsilbing bihag ng kasaysayan at rebolusyon,
Bagkus ng sariling karanasang
Nagbukas sa aking ulirat
Na may iba pa palang pintuan patungo sa kahapon.
At pupwede ko palang matuklasan
Na hindi lamang sa mga nag-alay ng buhay sa sariling bayan
Maihahambing ang katuturan ng mahiwagang salita.

Paano nga ba na sa bawat pagsilang ng araw at pagbukod ng mga ulap sa kanya
Ay maituturing ko ang sarili bilang isang bayani?
Nagigising ako na pinamumunuan hindi lamang ng isang pangulo
Kundi ng mga katauhan na siya ring nagbibigay kabuluhan sa pagrespeto ko sa aking sarili
At sa tuwing nag-aalay ako ng mga hakbang at padyak sa pampublikong mga lugar
Ay nahahaluan ang aking pagkatao ng mga abo ng mga nagtapos na sa serbisyo
At tila ba sa kaloob-looban ko ay may sumisigaw na hindi ko alam kung ano
At sumisira sa mga pintuang minsan ko nang sinubukang sipain
Ngunit hindi naman ako pinagbuksan.

Masasabi kong natuto akong hindi sumuko sa laban ng aking buhay
Pagkat ako rin pala'y may pinaglalaban
Hindi ko ninais na maging talunan sa bawat paglisan ng araw sa kabundukang minsan ko na ring inakyat at pinagmasdan
Akala ko hanggang doon na lamang ako
Na ang buhay ko'y hindi isang nobelang magiging mukha sa salapi
At pagkakaguluhan saan man sila magdako
Ngunit minsa'y limot na ang halaga.

Dito sa aking istorya'y hindi ko maipagmamalaking ako ay isang bayani --
Ngunit sa kabila ng paglaganap ng demokrasya
Ay nais ko pa ring makasalamuha ang kahigpitan ng hustiya
Nang sa gayo'y masilaya't malasap ko ring mahalaga pa rin sa lahat
Ang pagbuwis ng mga buhay --
Silang mga pinagbunyi o silang nilimot ng sarili nilang mga kababayan.

Gusto kong manatili bilang isang Pilipinong may dangal sa aking pagkatao
Na ako'y titingala hindi dahil ako'y nagmamataas
Bagkus sagisag at bunga ito ng paghilom sa akin ng may Likha
At isang grasya ang buhay na hindi ko nanaising itapon sa wala.

Hindi ako magbibigay-pugay sa watawat na walang kamuang-muang
Na ang aking laban ay tapos na.
Hindi ako magpapadaig sa lipunang maaaring bumagsak sa kahit anong pagkakataon
Kapag ito'y nakalimot sa Ngalang higit na tanyag sa kanya.
At kung ito ang magiging dahilan para ako'y maliko sa ibang ideolohiya'y
Lilisanin ko na lamang ang aking pagkatao --
Ngunit ako'y madiing magpapatuloy sa aking lakaring higit pa sa pagka-Pilipino
Kahit na ang mga tungkuling nasa harap ko'y hindi pa lubos na malinaw
Pero pangako --
Hindi ako titigil.

Oo, pupuwede akong magsimula sa wala
Pero ako ay may mararating
At marahil bukas o sa makalawa,
Kung tayo lamang ay magpapatuloy sa pakikibaka para sa ating mga paniniwala'y
Magiging higit pa tayo sa mga bayani.
At hindi mahalaga kung tayo'y limutin ng bukas
Gaya ng paghawi ng masidhing hangin sa mga ulap na emosyonal.

Ayos lang --
Pagkat sa likod ng mga kurtina nang walang humpay na palakpakan
Ay naroon ang tunay na mga bayani
Na hindi sigaw at mga pagbubunyi ang mithiin.
Hindi ginto’t mga pilak ang maibubulsa sa kamatayan
Bagkus ang makapaglingkod sa bayan na may bukal na puso't malinis na konsensya
At kalakip nito ang higit pa sa mga pamanang medalya ng kasaysayan.

Sa muling pagkikita, salubong ng ating mga ninuno
Ay mabubuksan ang ating pagkatao sa isang paraisong patay na ang kabayanihan.
Doon, sama-sama nating lilisanin ang ganid na administrasyon
At hihipuin ang galit ng lambing ng Liwanag na higit pa sa milyong mga lampara
At doon lamang natin lubos na maaakap ang pagiging isang "bayani."
Jey Oct 2015
Isang araw, muntik na naman akong nagpakatanga. Isang araw, naisip na naman kita. Isang araw **** ginulo ang isip ko. Isang araw, binalik-balikan ko ang masasakit na alaala mo dahil isang araw, biglang iniwan mo ako.

Iniwan mo ako… at mula noon ilang araw akong wala sa sarili. Ilang araw iniisip ang mga dahilan kung bakit ka umalis. At kung bakit hindi ako ang iyong pinili. Ilang araw na akong nagbakasakali na maiisip **** ako na lang. Ilang araw na patuloy na umaasa sa pangakong babalik ka… “Babalik ako, bigyan mo ako ng isang linggo.” Ilang araw pa at naghintay ako, naghintay ako kahit alam ko na kung sino ang pinili mo.

Isang tanong na patuloy na gumugulo sa aking isipan. Isang tanong na hindi masagot nino man. Isang tanong na hindi ko makalimutan. Isang tanong na wala naman talagang kasagutan. Isang tanong, “Mahal, bakit mo ako iniwan?”

Hindi nga lang iniwan kundi iyo naring kinalimutan. Kinalimutan agad na parang walang pinagsamahan. Puta isang buwan, ganyan, isang buwan nga lang naman. Marahil naging mabilis nga ang mga pangyayari pero ipapaalala ko lang sa’yo ikaw – ikaw ang naunang nagbukas ng pinto. Ikaw ang naunang nagsabi ng “Mahal, bakit di natin subukan?” At sumubok ako. Lumaban tayo.  Ngunit pagkatapos ng lahat ay ano? Wala, wala nga palang tayo.

Alam mo, ito na marahil ang pinaka-tangang nagawa ko sa buhay ko. Sa sobrang ganda at saya kasi parang pwede nang isulat bilang isang nobela, baka nga bumenta pa sa Wattpad eh at ititulo ko “Tinidor” o kaya “Alexa”? Haha.

Pero sa sobrang sakit din parang pang-soap opera. Kaya bakit ganun? Bakit parang ako lang ang nasaktan? Bakit parang ako lang ang nasasaktan? Bakit parang ako lang ang nahihirapan? Bakit parang ako lang nagmahal? Bakit ako lang? Bakit? Ah alam ko na… kasi hindi ako ikaw.

Hindi ako ikaw, ikaw na naging pipi sa pagsigaw na ako ang mahal mo. Ikaw na naging bulag sa pagtingin sa kung sino ang nandito. Ikaw na naging bingi sa mga salita niyang “hindi kita gusto!” Ikaw na pilit umiwas sa maliliit na eskinitang daan papunta sa puso ko. Ikaw na naging duwag sa pagtangkang sumabay sa daloy ng ilog na magdadala sa atin sa bukas.

Hindi ako ikaw. Ikaw na nagdulot lamang ng bagyo sa aking mga mata. Ikaw na nagdala ng lindol at bumulabog sa mundo ko. Nagdala ka lang ng buhawi ng hangin na paikot-ikot lang at kahit sinisira mo ang lahat, nahihigop mo pa rin ako.

Ikaw. Ikaw pa rin ang bumitaw. Ikaw pa rin ang bibitaw. Sa kabila ng lahat ng kasawiang dinala mo sakin. Oo. Ako na yung tangang nagmahal pa rin sa’yo.

Ako na ang mabibingi at sa kalaunan ay magiging pipi, sa pagsigaw na mahal kita. Ako ang magiging bulag sa pagtingin sa iba dahil sa’yo lang mahal, sa’yo lang ako susubaybay. Oo, ako. Ako naman ang magiging bingi sa mga salitang minsan mo na  din sinabi sa akin, “hindi ikaw ang gusto ko!” At ngayon alam kong, hinding-hindi yun magiging ako. Ako ang sisiksik sa maliliit na eskinitang daan sa puso mo. Ako na ang lalangoy at sasabay sa daloy ng ilog maging sa hampas ng alon kahit wala ka na sa bukas na kahahantungan ko. Oo, ako.

Ako na ang nagpakamartir na harapin ang matitindi **** hangin. Ako na ang trainer wheels sa iyong bike. Ako na ang band-aid sa bawat sugat na iniwan ni Alexa, mga halik sa sugat na magpapatigil sa dugo. Ako na ang unan **** sa gabi mo lang nakikita, sinasandalan tuwing pagod, may problema, mahihigpit na yakap tuwing luha’y di tumitigil.  Ako na yung huling stick sa pakete mo ng sigarilyo, inosente’t di ka sasaktan, pero iba pa rin ang pinili mo.

Masyado nang mahaba ito, kaya tutuldukan ko na. Kasabay ng pagtutuldok sa masasaya at mapapait **** ala-ala. Kasi ngayon ako naman ang napagod na maghintay. Ngayon puso ko na naman ang unti-unting namamatay.  Pero hindi ko ito hahayaan kasi mali eh, sabi nga ni Trixie, “nasaktan mo lang ako, pero hindi mo ako napatay.”

Hindi ako ikaw, ikaw na tanga kasi pinakawalan mo ako. Mayabang man kung maririnig nila pero oo gago, ang laki **** tanga dahil iniwan mo ako. ‘Wag kang hangal kung sasabihin **** hindi siya ang pinili mo kundi ang sarili mo dahil alam natin pareho at sa kanya ka pa din babalik. Ito lang ang masasabi ko sa’yo. Minsan subukan **** maging ako.” Para alam mo kung gaano kasakit. ‘Wag kang mabuhay sa parang. Sa parang sa’yo, pero hindi. Parang kayo, pero hindi. Parang mahal ka, tanga hindi.
Uni(berso)
1:05 AM
August 5, 2015

celestialdeity.wordpress.com
Agosto at Setyembre 2015 –
Ika-19 ng Agosto, Crim. Mini Intrams na pinaka-una
Naging hurado si Mi sa pagguhit at pagpinta
Ika-10 ng Setyembre, ika-28 kaarawan ni Jo
Ipinagdiwang sa Crim., si Mi ay dumalo
Ika-15, nagbukas si Jo ng unang account sa BDO
Nananghalian sa Mang Inasal ang MiJo!

-11/11/2015
(Dumarao)
*4th MiJo poem
My Poem No. 400
Komersyo ang nalagpasang kurso
Naging sundalo at Kalihim ng Tanggulan
Supremo ng mga Komunista ay napasuko
Unang nagbukas ng palasyo sa taumbayan.

-12/22/2014
(Dumarao)
*Pinuno Namin sa Panahong Tanso Collection
My Poem No. 292
Ronnuel Apr 2020
"O aking minamahal sinta,
Tara, kanta na tayo't magsimba.",
Kay sarap balikan ang mga araw na 'to,
Hanggang sa sarhan mo'ko ng pinto.

Laging kasama sa samahan
niyong umaawit,
Sa lugar kung saan nakakahingi
ng tulong sa langit,
Ang puso ko'y gusto sayo lumapit,
Sapagkat iyong ganda'y kaakit-akit.

Kaya ako'y nangarap...

"Sa pagtatapos ng aking paglalakbay,
Sana magwakas sa iyong mga kamay,
Sa kahit anong mangyayaring pagsubok,
Ikaw ang ninanais na maging palayok".

Umamin, nagbukas ng puso sa 'yong harap,
Habang ang mata ko'y 'di kumukurap,
Iba sa aking mga inaasa't iniisip,
Ang pangarap ay hanggang panaginip.

Lahat ng pawis, oras ng paghahanda,
Mapupunta lang pala sa wala,
Kaya't pag nakikita ako ng iba,
Nagkukunwari nalang na masaya.

Di naisip bituin ay masisira sa isang sulyap,
Dumating pa si Hudas sa aking harap,
Nakatikim ng halik ng isang taong mapanibughuin,
At laking galit pagkat siya ay isang taladkarin.


"O aking minamahal sinta,
Sensya na't dinaan sa makata,
Gawain ng isang taong nalulumbay,
Makakagawa pa ng akdang-buhay

Kaya sa mahabang panahon hindi magpaparamdam,
Para makuha ng Hudas ang kanyang inaasam,
Kahit ang puso ko'y nasisira't lumiliit,
Ako'y maghihintay kahit masakit.
Para sa iyo to....

— The End —