Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Nov 2016
102216 #PortBarton

Bata pa lang ako,
Pinagmamasdan na kita.
Sariwa sa kamusmusan,
Puno ng mga tanong na "bakit?"

Ba't ayaw **** magpakita?
Na kailangan Mo pang magtago sa mga ulap;
Na hindi ko maabang-abangan
Ang eksaktong pagsikat at paglubog Mo.

Ba't Mo ako sinusunog?
Na sa t'wing naglalakad ako,
Sinasaktan mo ang mga balat ko.
Na hindi ka nagsasabing
Magdala ako ng payong o kapote.

At ba't lagi mo akong ginigising?
Na hudyat ng pagbibilang ng panahon,
Na kailangan ko pang bumangon
At buhayin ang sarili't umahon.

---

Di Ko na kailangang magpasikat sayo
Pagkat hindi na lihim ang Liwanag Ko.
Ilang lugar na rin ang pinasuyod Ko sayo --
Sa Norte at Sur, buhay ang presesya Ko.
"Walang kupas at walang katulad,"
Yan ang sambit mo.

Ika'y Aking saksi;
Sa iba't ibang pagbunyag Ko ng Aking Sarili --
Sa iba't ibang katauhang may sari't sari ring kwento:
Silang simpleng manggagawang
Lakas ay Sa'kin ang paghugot.

Isabit Mo ang bawat larawan
Sa dingding **** Aking ipinagtitibay.
Nais Kong mailawan
Ang bawat madilim **** espayo.
Madilim man, nakikita Kita.

---

Ikaw ang Pag-asa;
At Sayo dumadaloy ang lahat.
Kakatok ang Iyong Sinag sa butas-butas kong mga haligi.

Pangako mo'y pasalubong
Kaya't ako'y sabik sa pagdating Mo.
Sasalubungin kita saking pagbangon
At bubuksan ang aking mga bintana,
Bilang pahiwatig
Na nais kong taglayin ang Ilaw Mo.

Bukas ang pintuan ko Sayo;
Ikandado Mo ako, tangan ang di papupunding Liwanag --
Yan ang pagpapasakop ko;
Saklawan Mo sanang ganap ang hain ko.

Gagayak ako sa Iyong saglit na pamamaalam
Na siyang susubok sa Ilaw na pinaiwan Mo sakin.
At may galak akong magsisindi sa bawat poste,
Ng gaserang may purong langis.
Iihipan ko ito sa aking pahinga,
At sadyang ang dilim
Ay tamang pansamantala lamang.

---
Tiyak ang oras mo
At singhaba ng araw ang pasensya mo.
Nagbabalik akong may hubad na sandalyas --
Marumi ako pero saking pag-uwi,
Dito rin pala ang paghuhugas.

Pinagmamasdan ko ang putik sa mga paa ko
Maging ang alikabok sa mga palad ko --
Pawang nakuha ko sa trabahong
Bansag saki'y tagautos.

Pansin ko, ang dumi-dumi ko pala;
Kailangan ko nang pagpagan ang sarili;
At pawang ang lahat pala'y
Di ko makikita nang wala Ka.
Ang pagbabalik ni Juan sa mumunting tahanan; at ang pagmulat ng Araw.
The Poetic Architect
Written by
The Poetic Architect  F/PPC Palawan, Philippines
(F/PPC Palawan, Philippines)   
Please log in to view and add comments on poems