Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
RL Canoy May 2019
Sa bawat paghakbang ng paang maputik,
anaki'y malugmok ang katawang impis.
Hindi iniinda ang ngawit ng bisig,
sa bawat paghampas ng pulpol na karit.

Mata'y pumapait sa agos ng pawis,
di ramdam ang init sa katawang manhid.
Sa bawat pagbuhos ng mumunting bagsik,
tila sumasaliw sa pintig ng dibdib.

Tinig ng sikmura'y parang humihibik,
lalong gumagatong sa hapo at sakit.
Pilit pinapawi sa tuwing iihip,
ang simoy ng hanging tila umaawit.

Sa gitna ng hirap na pinagdaanan,
ang tanging hiling sa Poong Maykapal.
Nawa'y didiligan ang sangkalupaan,
at binhi'y tutubo't ang punla'y mabuhay.

Sapagkat sa munting pawis-magsasaka,
sanlibong sikmura ang pinapasaya.
Ang tinik sa paang nakapanghihina,
Sanlibong katawan ang pinasisigla.

Ginaw ng tag-ulan at init ng sikat,
hindi iniinda kahit naghihirap.
Para may mahain sa mumunting hapag,
at pagsasaluhan na mayroong galak.

Ang iba'y inisip kung anong lutuin,
ngunit sa kanila'y mayr'on bang mahain.
Ito ba ang buhay, Diyos na mahabagin,
ang mga nagtanim salat sa makain?

Ganito ang buhay ng may gintong kamay,
na puno ng lipak, marumi't magaspang.
Subalit malinis ang pusong tinaglay,
bisig ng daigdig, sa pagod nabuhay.

Sila ang bayaning dapat na purihin,
sandata'y palakol, tumana'y suungin.
Sa bawat pagpatak ng pawis sa tanim,
katumbas ang bungang gumigintong butil.

©Raffy Love Canoy |May 2019|
Ang tulang pastoral na ito ay sumasalamin sa mga pinagdaanan ko noon sa kinalakhang bukirin.
Naglakbay ako sa gabing salát,
Sa pintong lambat, lihim ang lakad.
Ang buwan ay may gintong mukha,
Ngunit ang oras ay tila nawawala.

May kulungang tila orasan sa isip,
Na bulong ng katahimika’y sinisip.
Ang isip ko’y ibong baligtad ang lipad,
Umawit ng oras at bukal na apoy ang patak.

Salamin ang langit, luha’y bumuhos
Bawat patak, matang nahimbing noon.
Minasdan akong sayaw sa bubog na sira,
Habang oras ay damo’t talim sa lupa.

Ang gubat huminga sa tula ng hiwaga,
Dahon ay sumpa, ugat ay kabaong dala.
Tinanong ko ang hangin, “Alin ang akin?”
Sumagot, “Lahat, at wala—sa takdang dilim.”

Mga bituin ay nag-ukit ng pangalan,
Ngunit hindi sa panaginip ko nagbuhat ang alam.
Hinalikan ko ang multo ng bait,
At uminom ng takot—kasalo sa init.

Nang ako’y magising, normal ang daigdig,
Ngunit may tumatawa sa likod ng isip.
Tinaglay ang tinig ko’t anyo ng mukha,
Ako’y naiwan—bilanggo na pala.
🅓🅡🅔🅐🅜 🅘🅝🅢🅐🅝🅘🅣🅨

— The End —