Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jose Remillan May 2016
44
Naihasik na ang luhang dugo
Sa tigang na lupa ng ating mga ninuno.
Mga alingawngaw na daing,
Mga daing ng gatilyo,

Sanlaksang katotohanan, kayo'y
Hindi mga bayani, bagkus mga
Biktima ng huling uwak ng
Takipsilim, unang kalapati ng

Bukangliwayway.

Sanlaksang katotohanan, kayo'y
Hindi mga bayani, bagkus mga
Moog sa pedestal ng idelohiya't
Pananampalataya ng digmaan.

Naihasik na ang luhang dugo
Sa tigang na lupa ng mga Pangako.
Jose Remillan Dec 2013
Kahanay niya ang tambak
Ng basura ng lansangan
At sanlaksang mga matang
Naguudyok upang ihanay

Niya ang kanyang sarili sa
Naaagnas na pag-asa ng lipunan.
Siya ay puta. Sa dambana ng
Mga banal, kasabay niyang

Umuusal ng dasal ang mga
Paham ng pamantasa't
Pamantayan ng pagiging tao.
Siya ay tao sa paningin ng mga

Hayop. Siya ay hayop sa paningin
Ng mga tao. Siya ay puta. Ano mang
Anyo't samyo ang paulit-ulit niyang
Ipalit at ipilit sa nakapinid na

Pangunawa't awa ng mga nagsasabing
Sila ay hindi mga puta, ang katotohanan
Nga ay katotohanan. Siya ay sumasaatin.
Nasa simbahan. Nasa Pamahalaan.

Nasa paaralan. Nasa pamilihan.
Nasa ng laman. Siya nga ay sumasaatin,
Sumasalamin sa kalipunan ng mga
Kabulukan ng ating lipunan.

Mga puta.
"All that is solid melts into air; all that is holy is profaned..."---KARL MARX

University of the Philippines--Diliman
Quezon City, Philippines

December 10, 2013
Jose Remillan Nov 2013
Napatag na ang hindi mapatag ng
Sanlaksang idelohiya't pananampalataya.
Panata ito ng kalawakan. Lilinisi't lilipulin
Yaong hindi umaayon sa itinakdang

Orden ng katutubong balanse ng ulan
At hangin, ng dagat at pagkamulat,
Ng  lupa at pagtatangka. Hindi sasapat
Ang libu-libong bangkay na nakahundasay

Sa mga lansanga't simbahan dahil malaon
Nang naagnas na bangkay ang ating
Kamalayan. Malaon nang umahon si
Kamatayan sa anyo ng kasakiman sa

Kayamanan, at tayo bilang mga kalakal
Na nagpapatiwakal sa ngalan ng kaligayahan
Sa anyo ng kasaganaan. Hindi sasapat ang
Mga pagtangis ng mga ama't ina, ng mga

Anak at kapatid, dahil matagal nang
Tumatangis ang Inang unang naghandog ng
Paraiso sa atin. Saan nga ba tayo patungo?
"Tayo'y mga punong matayog ang pangarap,

Ngunit sa lupa'y laging nakaugat..."
Sa ala-ala ng mga nasawi sa paghagupit ni Yolanda sa Filipinas.

University of the Philippines-Diliman
Quezon City, Philippines
November 13, 2013
Jose Remillan Sep 2013
Hindi ang daan-daang kilometrong
lansangan at sanlaksang siklo ng oras
ang ating pagitan.

Hindi ang takot mula sa
pagkabihag ng mga uban
at oras, o ang pangarap na alapaap
ang ating pagitan.

Makailang ulit man tayong
igupo ng hapo at pagal
sa paglalakbay natin
patungo sa puso at pusod ng
ating mga kaluluwa,
wala tayong pagitan,

maliban sa pag-ibig natin sa isa't-isa.
Bacoor City, Philippines
August 2013
Jose Remillan May 2017
Hihilingin ko pa rin sa'yo
Na yakapin mo ako pagtila
Ng ulan. At muli akong aasa
Na ang bahaghari ay tangan

Mo pa rin sa'yong kamay, gaya
Ng krayolang hawak ng paslit,
Hulugway at sarikulay sa panahon
Ng pag-ibig at pamamaalam.

Hihilingin ko pa rin sa'yo
Ang unang halik ng katiyakan,
Sanlaksang pagluluksa man
Ang ika'y pumainlanlang, aangkinin

Ko pa rin ang mga tala.

At muli ay aawitan kita ng kundiman,
Kung hindi man ay iduduyan sa
Kalawakan, kung paanong sa
Pangako ay naging tapat, kung bakit

Ikaw ang lahat, kung bakit ikaw ay
Sapat.
Jun Lit Mar 2020
Mali ang ginawa mo
Diumano . . .
Nambihag ka ng mga inosenteng tao
Hinusgahan ka agad na isang sanggano

Sa likod ng lahat ng ito
Ang nanunulak sa mga tao
sa sulok na laging talo
Ang mga abusadong amo
Ang sistemang malupit at lilo
Ang pagturing sa manggagawa'y abo
Ang mga kawani'y putik - di p'wedeng magreklamo

Ang totoong nambibihag ay abswelto
Ang taong nagsakripisyo
at ang sanlaksang biktima ng mapang-abuso
- kalakaran sa paggawa'y kalaboso

Ay! Ay! hanggang kailan magiging ganito?
Hostaged Guard

What you did was wrong
They alleged
You hostaged innocent people
You're a troublemaker. They alleged.

Behind all of these
Those who push people
to walls unwinnable
Abusive masters
A system that's harsh and crooked
The treatment of labor as ash
The crew member as dirt - no right to complain

The true hostage-taker is scot-free
The sacrificial lamb
and the thousands of victims
of unfair labor practices are incarcerated.

Oh! Oh! When will these injustices end?

Note: "Jaguar" is used here as the colloquial term for 'guwardiya' from the Spanish 'guardia' (English - guard)

— The End —