Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
041716

May mga bituing nais abutin,
Nangangalay ang diwa pagkat dapat habulin.
Ganoon pala ang pagtatagisan ng mga saranggolang itim,
Sisipatin ang isa't isa't may pandilig na patikim.

Ako'y musmos sa alok nitong ginintuang pangarap,
Dilubyo'y mabagsik bagkus may matinding yakap.
At doon matatagpuan ang haplos na hinahanap,
Ako'y alipin sa sahig na Langit ang sumusulyap.

Sa paglatag ng Liwanag na may bahaghari
Waring yuyukod siyang ulap na mapagkunwari.
At kanyang saplot, ihahanay nang sandali,
Saksi maging hanging nagtataingang-kawali.

Sa pagsalin ng hiningang latak ng kahapon,
Baon pala ang sakit hanggang dapithapon.
Ipipinta ang itsura ng sarong na maputi,
Siyang pupuri sa Langit na may bahid ng kayumanggi.

Tila baryang itinapon at nagkakalansingan,
Sa papag na mistulang may sawing kasintahan.
Mga tauha'y lalaban sa kuweba ng kadiliman,
At doon ang kandila'y panandaliang tatahan.

Babahagian ng yaman ang uhaw sa kalinga,
Hahagkan silang mga busal na walang isang salita.
Hanggang sa magkandiring muli sa saliw ng musika,
Silang tangan ang pising *may kakaibang mahika.
Stum Casia Aug 2015
May paligsahan ng palakasan ng palakpakan sa Batasan Complex.
May pabuyang naghihintay
sa mapuputulan ng kamay
kakapalakpak kahit palpak at sablay.  
Pabayaang maglaway ang mamamayan sa kaunlarang  ibabandila.
Hayaang mabilaukan ng kathang-isip ang mga pasilyo,
wawalisin na lang ito mamaya
o bukas kapag iba na ang usong balita.  
Kapag kasuotan na ang pinag-uusapan.

Madulas kayong lahat sa nasayang na laway.
Naghahanap ng away ang hindi pupuri.
Ang hindi sasamba.

Ang ayaw sumama sa pagsimba sa katedral ng kasinungalingan
pagugulungin sa labas ng bulwagan.
Walang puwang ang katotohanan kaninong palad man ito nakasulat.  
Kaya’t huwag itong iladlad.
Huwag itong itambad.

Huwag hubaran ang matagal nang nakahubad.

Ibibilad kayong mga bastos.
Iiwas sila sa pakikipagtuos,

dahil mas matigas pa sa mukha nila ang inyong katwirang
huwag sumali sa paligsahan.

Dahil ang masigabong palakpakan ay nakalaan sa sambayanang lumalaban.

— The End —