Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Nov 2017
“Whatever satisfies the soul is truth”
- Walt Whitman

Sadyang mapaghimagsik ang iyong panulat ‘pagkat nilabag nito ang lahat ng tugma at sukat. Isa kang tunay na rebolusyunaryo sa larangan ng panitikan ng tulaan. Sinalungat mo ang tradisyunal na konsepto ng panulaan. Binigyang laya mo ang galaw ng damdamin upang ganap na kumawala ang tinig ng kaluluwa at sinabi mo na ito nga ang wagas na kahulugan ng tunay na tula. Na ang tunay na tula ay hindi dapat limitahan ng sukat, tugma at ritmo sapagkat ito ang sigaw ng kaluluwa’t damdamin.

Bagama’t hinamak ka nila at inusig noong ikaw ay nabubuhay pa subalit napatunayan mo naman sa lahat na tama ang doktrina mo’t pananaw. Ngayon ikaw ang tinitingala at binabathala ng lahat ng mga makata, ikaw ang itinanghal na ama ng Malayang Taludturan.

Salamat sa Leaves of Grass at Song of Myself kung saan ipinagdiwang mo ang pag-ibig mo sa buhay, kalikasan, kaibigan, pamilya at sa lahat ng mga bagay. Sabi nila bastos daw ang mga tema at paksang iyong tinalakay palibhasa’y nagpakatotoo ka sa iyong sarili at pagsasalarawan ng buhay.

Salamat mahal na **** sa iyong ginintuang pamana sa amin, salamat sa Malayang Taludturan, salamat sa pag-ibig mo sa panuluan. Ikaw na nga talaga ang humalili kina Dante, Homer at Ovido. Mananatili kang buhay sa aming ala-ala mahal na pantas.
Jose Remillan Jun 2015
Nasumpungan kitang nakabilad
Sa liwanag ng araw, isang imaheng
Nakalantad, huwad na anyo ng
Ritwal ng pagpupugay. Sa iyong

Anino'y nakasilong ang mga lantay
Na tayutay ng hungkag na lipunan.
Nariyan ang puta, pulubi, butas na lata,
Gago't ganid na pulitiko, librong limot,

Bendor ng droga, banal na aso...
Lahat sila ay mga ”sila" na minsan ****
Pinagtangkaang silaba't silain sa sulo ng
Mapagpalayang kamalayan.

Kamatayan.

Nasumpungan kitang nakabilad sa
Nakakabagabag na liwanag. Isang buhay
Na moog ng kalayaa't kasarinlan,
Kanlungan ng mga supremo ng rebolusyon

Ng paglikha't pagsilang sa kakanyahang
Iginapos sa lumang mundong lalang ng
Iyong panahon. Kami na mga gamo-gamo
Ng lumang simoy ay patuloy na isisiwalat

Yaong hindi masumpungan sa lambong
Ng liwanag na pinaningas ng iyong dugo.

Nawa'y matagpuan ka nila.
Jose Remillan Jan 2014
Sinubukan kong bihisan ng titik at tugma
Ang ilang mga bagay-bagay na iiwan ko
Sa'yo sa oras na pumailanlang na ang diwa
Ng aking mga tula. Ngunit gaya ng dati,

Unos na dumatal ang aking luha, linunod
Nito ang mga kataga, muling nabalot ng
Hiwaga ang bawat saknong  na dapat sana'y
Malaon nang yumabong sa iyong pang-unawa.

Gayun pa man, manatili kang manampalataya
Sa kahulugan ng kawalang kahulugan ng daigdig
Na ito. At nawa, sa pagpagpag mo sa tarangkahan ng
Kahapon, buong pagpupugay **** idambana

Ang paulit-ulit ng siklo at sigwa ng ating pag-ibig.
Para kay Khiwai.

University of the Philippines---Diliman
Quezon City, Philippines
January 28, 2014
AK na Makulay Nov 2019
Sa kasaysayan ng aking bukas na pagkamulat
Hindi lamang kaalamang pang-ibabaw kundi pati panloob nami’y binulabog
Hindi lang hinayaang sumakay sa bangka kundi pati pagsagwa’y itinuro
Binuksan ang inaakalang hindi na mahihigilap o matatagpuan man
Pero higit pang liwanag ang iyong ipinadama, at ipinahamon sa dilim na nagtuturo

Binusog mo kami ng kasaganaang higit pa sa inaasahan
Sa yakap ng pag-irog, pang-unawa at pagtuklas
Pamilyang naging karamay sa bawat hirap, gutom at pagsubok
Tunay na tahanan ng mga propeta, tunay na naging huwaran sa aming kalagitnaan
Hinubog mo kami ng may pagkakakilanlan buhat sa aming pagkakaiba’t iba

Kinalampag mo hindi lamang ang aming tenga, bibig at mata
Ngunit buong pandama nami’y iyong ginigising
Pati ang kaibuturan ng aming mga laman at buto
Inilubog kami sa karanasang nakakapagpabago
Upang konkretong sumaksi na may tapang at dangal

At dahil dito, sama-sama’t magkaagapay tayong kumikilos
Nakikiisa sa tanging layon ng Kristong sinusundan
Ang bukal ng kasaganaan at kahulugan ng buhay
Patuloy na bibigyang kulay at padadaluyin sa ugat’ dugo ng pakikibaka
Hayagang ipalalaganap at isasabog sa buong sangnilikha
Na may pagkilala sa Diyos na Buhay, ng Kasaysayan, Kaayusan, at Pag-ibig

Pagpupugay sa Tahanan ng mga Propeta, Union Theological Seminary!
Sa Sampung Dekada at Labindalwang Taon
“Masaganang Nananahan,
Buong Diwang Sumasaksi,
Bukas-palad na Naglilingkod!”
Isang Pagkilala sa Union Theological Seminary!
AK Tadiosa|October 20, 2019

— The End —