Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jose Carlito May 2020
Matagal nang nagsimula
at patuloy na umiiral
Ang ating matinik na pakikipamuhay
sa ating bayan

Palagiang nasasadlak
sa karalitaan
Ang dugo ng kabataan,
alay sa kasarinlan

Tayong mga bulag,
sa siyensiya at kapalaran
Sa pagmartsa ng kalabang
hindi natatanaw

Naulit ang kasaysayang
may isang kurso at galaw
Bala para kay tatay
ang anak ang namatay

Bumagsak ang ekonomiya
Lumambitin sa aming mga leeg
Iniasa ang pagtaas
sa aming mga bisig

Habang si Alejandrino
dumarami't nagbubuntis
Ang batang henerasyon
Patuloy na nililitis

Kung ganun,
Huwag ninyo kaming pababayaan,
Paglustayan, paghirapan
At pakikinabangan

Sa gayong mga pumalya at matatanda
Ay may aakay
Walang huhugot sa Inang bayan-
Kundi kaniyang kabataan
Inspired from the Filipino Movies: Heneral Luna, and Goyo: The Boy General
Malalim na ang gabi
Habang sumisimangot ang alaala.
Ngunit magka ganoon ma’y
Kaya itong patahimikin
Ng pabulong na paghikbi
Ng ulang isinalin sa garapon.

Ang alat ng karagata’y
Syang sumalo sa mga binhing magagaspang.
At nagmistulang mga pamaypay ang mga alitaptap
Sa kanilang pagsalubong
Sa pira-pirasong bangkang nilamon ng dagat.

Ang kumot na walang hangganan
Ay nagsilbing maskara
Upang pansamantalang hilumin
Ang tinaboy at isinuka ng naglalagablab
Na hindi nakasusunog.

At ang apoy na taglay nito’y
Sya ring naging panghilamos
Ng pininta ng kidlat at kalangitan
Na syang sumuklob sa kanyang pamumuno.

Walang numerong mailimbag
Buhat sa sapilitang pagnanakaw
At pataksil na paglisan
Ng mga abong naging multo.

At doon naging pamatid-uhaw
Ang mga halik na ipinagtagpi-tagpi
Ng mga luhang maalat at walang direksyon.

Tila ito na ang pagmartsa
Ng kani-kanilang mga multo
Patungo sa libingang walang mga pangalan.
Silang mga walang mukha
At tanging abong ipinag-isa sa karagatan.

— The End —