Bayani --
Sa tuwing nagtatapo ang aking kanang kamay at ang aking dibdib
Doon ko mas naisasaisip at naisasapuso ang pagiging isang Pilipino
Na hindi ako isang banyagang titirik sa malaparaisong lupain
At panandaliang mabibihagni sa mga likas na yaman
O mismong sa mga modernong Maria Clara
O mga aktibisang nagmistulang mga bayani
Sa kanilang walang pag-imbot
Sa pagsulong nang may paninindigan
Sa kani-kanilang ideolohiya.
Sa araw-araw kong pagbibilad sa araw
At pagharap sa bawat pagsubok na minsang nakapapatid at nakapagpapatalisod,
Ni minsa'y hindi ko pinangarap na gawaran ng salitang "bayani."
Dito sa aking Bayang, "Perlas ng Silanganan,"
Ako'y nahubog maging sanay at buo ang loob
Hindi ng mga kahapong idinaan na sa hukay
At nagsilbing bihag ng kasaysayan at rebolusyon,
Bagkus ng sariling karanasang
Nagbukas sa aking ulirat
Na may iba pa palang pintuan patungo sa kahapon.
At pupwede ko palang matuklasan
Na hindi lamang sa mga nag-alay ng buhay sa sariling bayan
Maihahambing ang katuturan ng mahiwagang salita.
Paano nga ba na sa bawat pagsilang ng araw at pagbukod ng mga ulap sa kanya
Ay maituturing ko ang sarili bilang isang bayani?
Nagigising ako na pinamumunuan hindi lamang ng isang pangulo
Kundi ng mga katauhan na siya ring nagbibigay kabuluhan sa pagrespeto ko sa aking sarili
At sa tuwing nag-aalay ako ng mga hakbang at padyak sa pampublikong mga lugar
Ay nahahaluan ang aking pagkatao ng mga abo ng mga nagtapos na sa serbisyo
At tila ba sa kaloob-looban ko ay may sumisigaw na hindi ko alam kung ano
At sumisira sa mga pintuang minsan ko nang sinubukang sipain
Ngunit hindi naman ako pinagbuksan.
Masasabi kong natuto akong hindi sumuko sa laban ng aking buhay
Pagkat ako rin pala'y may pinaglalaban
Hindi ko ninais na maging talunan sa bawat paglisan ng araw sa kabundukang minsan ko na ring inakyat at pinagmasdan
Akala ko hanggang doon na lamang ako
Na ang buhay ko'y hindi isang nobelang magiging mukha sa salapi
At pagkakaguluhan saan man sila magdako
Ngunit minsa'y limot na ang halaga.
Dito sa aking istorya'y hindi ko maipagmamalaking ako ay isang bayani --
Ngunit sa kabila ng paglaganap ng demokrasya
Ay nais ko pa ring makasalamuha ang kahigpitan ng hustiya
Nang sa gayo'y masilaya't malasap ko ring mahalaga pa rin sa lahat
Ang pagbuwis ng mga buhay --
Silang mga pinagbunyi o silang nilimot ng sarili nilang mga kababayan.
Gusto kong manatili bilang isang Pilipinong may dangal sa aking pagkatao
Na ako'y titingala hindi dahil ako'y nagmamataas
Bagkus sagisag at bunga ito ng paghilom sa akin ng may Likha
At isang grasya ang buhay na hindi ko nanaising itapon sa wala.
Hindi ako magbibigay-pugay sa watawat na walang kamuang-muang
Na ang aking laban ay tapos na.
Hindi ako magpapadaig sa lipunang maaaring bumagsak sa kahit anong pagkakataon
Kapag ito'y nakalimot sa Ngalang higit na tanyag sa kanya.
At kung ito ang magiging dahilan para ako'y maliko sa ibang ideolohiya'y
Lilisanin ko na lamang ang aking pagkatao --
Ngunit ako'y madiing magpapatuloy sa aking lakaring higit pa sa pagka-Pilipino
Kahit na ang mga tungkuling nasa harap ko'y hindi pa lubos na malinaw
Pero pangako --
Hindi ako titigil.
Oo, pupuwede akong magsimula sa wala
Pero ako ay may mararating
At marahil bukas o sa makalawa,
Kung tayo lamang ay magpapatuloy sa pakikibaka para sa ating mga paniniwala'y
Magiging higit pa tayo sa mga bayani.
At hindi mahalaga kung tayo'y limutin ng bukas
Gaya ng paghawi ng masidhing hangin sa mga ulap na emosyonal.
Ayos lang --
Pagkat sa likod ng mga kurtina nang walang humpay na palakpakan
Ay naroon ang tunay na mga bayani
Na hindi sigaw at mga pagbubunyi ang mithiin.
Hindi ginto’t mga pilak ang maibubulsa sa kamatayan
Bagkus ang makapaglingkod sa bayan na may bukal na puso't malinis na konsensya
At kalakip nito ang higit pa sa mga pamanang medalya ng kasaysayan.
Sa muling pagkikita, salubong ng ating mga ninuno
Ay mabubuksan ang ating pagkatao sa isang paraisong patay na ang kabayanihan.
Doon, sama-sama nating lilisanin ang ganid na administrasyon
At hihipuin ang galit ng lambing ng Liwanag na higit pa sa milyong mga lampara
At doon lamang natin lubos na maaakap ang pagiging isang "bayani."