Walang sukat ang damdamin at wala rin itong tugma,
Ang wagas na pag-ibig o nagbabagang galit ay walang ritmo,
Lahat ng ito ay dapat na lumaya. Sumabog na tulad sa bulkan
Kung kinakailangan o di kaya ay dumaloy na tulad sa agos ng ilog.
Ganito ang malayang taludturan na aking tinatangkilik, oo alagad ako
Ni Walt Whitman at hindi ko ito ikinakahiya.
Hindi ko kinakailangan na bumilang ng mga araw, lingo at buwan,
Hindi ko kailangan na pagandahin ang mga salitang isusulat ko.
Totoo na gusto ko ring sumikat at makilala ng balana ang maging tanyag
Na tulad ng iba. Subalit wala akong balak na itakwil ang aking tunay na
Saloobin, hindi ko isasakripisyo ang aking nararamdaman para lang
Tanggapin at kilalanin ng iba.
Minsan mala-sutala pero mas madalas ay magaspang na tulad sa sako
Ang mga salitang ginagamit ko. Hindi ako nanunuyo sa halip madalas ako’ng
Nagmumura at nang-uusig. ‘Pagkat yan ang laman ng aking dibdib at hindi
Ko ito ikinakahiya. Malaya ako na tulad sa malayang tauldturan na itinataguyod ko.
Putang-ina ko man kahit hindi ako ma-publish gagawin ko parin ito.
Hindi ko pakikinisin ang magaspang na katotohanan, hindi ko pababanguhin
Ang nangangalingasaw na kaganapan ang isusulat ko ay ang tunay lamang.
Magiging tapat ako sa aking damdamin, hindi ko uulolin ang aking sarili at hindi
Ako mag-iinarte sapagkat hindi naman ako artista. Hindi ito Sunugan o Flip Top ito ang
Tunay na ako na s’yang nagsasalita. Hindi ko kailangan na magpatawa.
Ang tunay na makata ay naglalahad ng katotohanan hindi ng mga salitang
Gustong mapakinggan lamang ng mga taong bumabasa ng kanyang mga tula.
Walang sukat at walang tugma ganito ang tunay na demokrasya. Damdamin ko
Ang magdidikta, ito ang panginoon ng aking panulat.