Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jose Remillan Nov 2013
Napatag na ang hindi mapatag ng
Sanlaksang idelohiya't pananampalataya.
Panata ito ng kalawakan. Lilinisi't lilipulin
Yaong hindi umaayon sa itinakdang

Orden ng katutubong balanse ng ulan
At hangin, ng dagat at pagkamulat,
Ng  lupa at pagtatangka. Hindi sasapat
Ang libu-libong bangkay na nakahundasay

Sa mga lansanga't simbahan dahil malaon
Nang naagnas na bangkay ang ating
Kamalayan. Malaon nang umahon si
Kamatayan sa anyo ng kasakiman sa

Kayamanan, at tayo bilang mga kalakal
Na nagpapatiwakal sa ngalan ng kaligayahan
Sa anyo ng kasaganaan. Hindi sasapat ang
Mga pagtangis ng mga ama't ina, ng mga

Anak at kapatid, dahil matagal nang
Tumatangis ang Inang unang naghandog ng
Paraiso sa atin. Saan nga ba tayo patungo?
"Tayo'y mga punong matayog ang pangarap,

Ngunit sa lupa'y laging nakaugat..."
Sa ala-ala ng mga nasawi sa paghagupit ni Yolanda sa Filipinas.

University of the Philippines-Diliman
Quezon City, Philippines
November 13, 2013
Pipin Nov 2017
Kay liwanag na mga tala
Sa gabing walang pag-asa
Nakahundasay na mga latay
Sa lupa ko'y inialay

Dagundong ng mga bala
Patalim na pang-harana
Ang aming pamaskong handa
Para sa bagong noché buena

Alikabok na lumiliyab
Mga puwing na sumisiklab
Buhangin sa ilalim ng dagat
Sa balat ko'y namulat

Umagang kailan kaya mararanasan
Kung may bukas pang masisilayan
Ng aming pusong binubo
At winasak ng luha ng dugo...

— The End —