Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
cherry blossom Jan 2018
Ang kailangan ko lang naman ay malaman na hindi ako nag iisa
Na sa layo ng paglalakad ay nandiyan ka pa
Sapat na sa akin ang maging mahalaga
Alam kong ilang beses mo nang nabanggit sa ‘kin ‘to
Pero nasaan ka na ngayon?
Alam kong madalas **** sambitin na nandiyan ka lang
Na hinahanap mo rin ako paminsan minsan
At akala ko kuntento na ako
Hinahagilap ko ang titig mo
Natatakot ako
Na hindi mo mapansin ang pagkawala ko

Ilang beses na rin ako nagpaagos sa alon
Ng walang nakapansin ng pagtangay sa ‘kin
Sagipin mo ako sa nagbabadyang pagkalunod
Hindi na ako magkukunwaring maalam lumangoy
Sagipin mo naman ako

Naiintindihan ko na hindi lang ako ang iniisip mo
Pero sana alam mo na ikaw lang ang kinakapitan ko
01/17/18h
Vincent Liberato Feb 2019
Mangangata ako sa madaling
araw ng panggagalaiti, nang mga panahong mas malalim pa sa dagat, ang panghahaplos sa
kaluluwa na kinulang sa pagpapahinga at sa wakas: makakapagpahinga.

Ako, ang sisidlan ng kalatas na nagpaagos
sa rumaragasang ilog pagkatapos ipasok sa isang bote, sa pag-asang makararating sa iyo ito.

Ayaw ko nang bumalik ang kalatas na 'to, baka sa susunod na bumalik sa akin ito, ay naglalaman na ng bulgarang pagtugon ng pagkalas.

Ayaw ko na.

Manghihipo na lang ako sa gabi sa pamamagitan ng paggunita
sa mga alaala para sundan ang anino
na unti-unting nawawala sa kusina, sa kuwarto, sa kama, at sa hapag-kainan.

Sandali, may idadagdag pa pala ako, hindi ko kakayaning tanggapin ang pagtanggap na namamalikmata lamang ako,
habang naglalaho ang pangalan mo
sa kuwaderno ko.

Mawawala na lamang ang pagkamarahas
ng prosa o tula ko. Isasantabi muna kita sa mga susunod na tula o prosa, painda-indayog ang paksa, pero binabalik-balikan ka sa masusing pagsusuri ng konteksto.

Magiging humpak na lamang ang dating matunog na ikaw at ang dating laksa-laksang paglalarawan sa bawat pag-ikot at paggalaw mo, na maingat na sinusundan ng mga mata ko.

Sa kabila ng pagpipigil sa pagkatapos ng isang nakakainsultong nakakapagod na araw ay magsisilakbo muli ang damdamin, at 'di magpapaawat ang pintig na parang bumabalik ang mga mata sa unang pag-angat ng mga titig.

Mahal, mangangata na lamang ako hanggang umaga,
habang nginangata ako ng panggagalaiti
sa pagsapit ng umaga.

— The End —