“The purpose of life is to live it, to taste experience to the utmost, to reach out eagerly and without fear for newer and richer experience.”
― Eleanor Roosevelt
May mga gabi na puno ng lumbay kung saan mapapait at puno ng lungkot ang mga ala-alang hatid nito. Madalas na hindi ka nito pinapatulog. May mga umaga naman na nagpapagunita sa mga dalita at mabibigat na salita. Minsan kahit sa init ng katanghalian ay nararamdaman mo ang matinding lamig – ang panlalamig na dulot ng takot, takot na harapin ang kawalang katiyakan ng bukas na darating.
Malaya kaba’ng talaga o baka naman nakatago lang ang iyong mga tanikala? Bumabangon sa umaga’t naghahanda para pumasok sa opisina na isa ring selda. Kumakain pero walang nalalasahan, tumatawa nga pero ang totoo ay nalulungkot, nabubuhay pero talo pa ang isang bangkay pagkat walang kabuhay-buhay. Nakikipagtalik ang katawan na hindi marunong tumangkilik.
Paano nga ba ang mabuhay nang wasto at hustong-husto? Yung puno ng pag-ibig at walang ligalig na sadyang matatag katulad sa isang kamalig. Nadidinig mo pa ba ang huni ng kuliglig sa ‘twing sasapit ang hapon? Ang buhay ng tao ay sadyang maligalig. Ang panaghoy ng mga walang kayang lumaban sa dagok ng malupit na kapalaran ay laging naririnig sa ‘twing kumakagat ang dilim.
Hindi lang minamasdan ang mga bulaklak, kailangan mo rin itong samyuin para mo mapahalagahan. Paano mo malalaman ang lalim ng dagat kung hindi mo ito sisisirin at ano’ng saysay ng taas ng bundok kung hindi mo ito aakyatin? Hindi sapat na sabihin na s’ya ay iyong iniibig, kailangan mo rin s’yang yakapin at halikan. Ganito mo dapat na ipagdiwang ang buhay.
Pero hindi ito magawa ng isang tulad mo na alipin ng takot at sama ng loob. Kailangan kumawala ka sa anino ng nakaraan at ‘wag mabuhay sa hinaharap. ‘Hwag kang makipagtalik sa multo ng nakaraan dahil hindi ka lalabasan, puro luha lang ang tiyak na papatak sa iyong mga mata. Maging makasaysayan at makabuluhan ito ang dapat na maging layunin. Kalimutan ang kabiguan at maging masigasig, yakapin sa’yong bisig ang ngayon. Hawiin ang lambong ng gabing tumatakip sa paningin sapagkat ito’y nakakabulag.