Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Christien Ramos Jul 2020
Sinabi ko noon sa sarili ko na
kapag dumating ang gabing itutulak táyo ng hangin upang pagtagpuin --
kapag dumating ang araw na pagbanggaing muli ang ating mga damdamin,
silàng may kanya-kanyang hinanaing,

Huwag mo akong yayakapin.

Huwag mo akong hahalikan.
Huwag **** hahaplusin ang mga nanlalamig kong braso.
Huwag mo akong iiyakan.

Ayokong maalala ang kinabisa kong init mo.

Naniniwala ako na sapat na ang mga titig,
ang mga nangungusap na mata.
sapat na ang distansya,
ang espasyo sa pagitan nating dalawa.
sapat na ang iniyak natin noon.
sapat nang hindi táyo katukin ng mga ala-ala búkas.
sapat nang natuto táyo sa kahapon.
sapat nang kilala na natin ang lunas.
sapat nang napatawad kita't napatawad mo ako
at kung paanong napatawad natin ang ating mga sarili.
sapat nang káya mo nang matulog sa gabi
dahil sapat na ring káya ko nang gumising sa umaga.
sapat na ang mga naisulat na liham,
ang mga talatang humihingi ng kapatawaran.
sapat na ang mga musikang sabay nating inawit,
ang mga tonong hindi nagkakapanagpo.
sapat nang mga panyo na lámang ang nakasaksi ng mga hikbi ko sa gabi,
ng mga luhang nahihirapang matuyo,
ng mga pusong magkahiwalay na nagdurugo.
sapat na ang mga alak na nagmistulang kaibigan,
ang mga unan na yumuyupyop sa aking balat.
sapat na ang aking silid na itinuring kong simbahan
dahil sapat na ring paulit-ulit kong ipinagdarasal na maghilom na ang mga sugat.
sapat na ang magagandang gunita,
mga ala-alang ating ginawa.
sapat nang nagagawa mo na muling ngumiti
dahil sapat na ring nagagawa ko nang tumawa.
sapat nang naiintindihan ko na
at sapat nang hindi ka na magmakaawa.
sapat na ang mga regalong aking nagustuhan
dahil sapat na rin ang pagbitiw na hindi ko inayawan.
sapat na ang lakas ng loob na inipon ko dati
dahil sapat na rin ang tákot na naramdaman ko noong iyong sinabing,

"Hindi ka pa pala sapat."
Salamat.

Hindi mo ako masisisi kung minsan na akong naniwalang hindi ako ang nagkulang.

Pero ngayon.
Kapag dumating ang pagkakataon
na muling mag-krus ang ating mga nangungulilang landas,

Hahayaan kitang yakapin ako;
halikan ako;
Hahayaan kong haplusin mo ang nanlalamig kong mga braso at kahit sa huling pagkakataon,
Hahayaan din kitang umiyak

dahil ito na rin ang huling beses na kikilalanin ko ang init mo; at pagkatapos

kalilimutan ko na.

---
yndnmncnll Aug 2023
Alam kong hindi ang pangalan ko
Ang unang tatawagin mo
Ang unang bibigkasin mo
Ang maaalala mo

Alam kong hindi ang pangalan ko
Ang unang papasok sa isip mo
Ang unang maiisip mo
Sa tuwing naririnig mo ito

Alam kong hindi rin ang pangalan ko
Ang lagi **** bukambibig sa mga kaibigan mo
Hindi rin ako ang laman ng mga kwento mo
Ang una **** matakbuhan sa tuwing may problema ka

Mas lalong hindi ako ang hanap-hanap ng mga mata mo
Ang kinabbabaliwan mo
Ang magiging kabiyak mo sa tamang panahon
Hindi lang ako naglakas ng loob na sabihin sa iyo noon

Ang una **** tatawagan sa tuwing nag-iisa ka
Alam kong hindi ang text o tawag ko ang una **** sasagutin
Hindi rin ito ang laging inaabangan mo
Alam kong kung paano mo ako tingnan ay iba

Iba kung paano mo siya tingnan
Iba kung paano mo siya mahalin
Kung paano mo siya alagaan
Alam kong hindi ako ang mundo mo

Ang unang iikot at tatakbo sa isipan mo araw-araw
Alam kong hindi ako ang iniisip mo araw-araw
Alam kong kaibigan lang ang tingin mo sa akin
Alam kong parang kapatid lang ang pagtrato mo sa akin

Alam kong hindi ang kamay ko ang unang hahawakan mo
Alam kong hindi ako ang unang lalapitan mo
At unang hahanapin mo pagkadilat ng mga mata mo
Alam kong hindi ako ang unang yayakapin mo

Alam kong hindi ako ang unang liligawan mo
Alam kong hindi ako, Oo
Noong una pa lang alam ko na
Na hindi ako ang tinitibok ng puso mo

Ang iyong unang sinisinta
Alam ko noong una pa lang
Tinatak ko na sa isipan ko
Na wala akong puwang ni minsan man diyan sa puso mo

Alam kong ang bawat pagtingin mo sa akin
Ay iba sa kung paano mo siya tingnan
Kung paano mo siya kausapin
Kung paano ka magmalasakit sa kanya

Kung paano mo siya tratuhin
Ni minsan hindi ko inisip o hiniling
Na ibalik mo sa akin ang pagmamahal na ipinaramdam ko sa'yo
Ni minsan hindi ako nagdalawang isip na katukin yang puso mo

Baka sakali lang matanggap at mahalin mo rin ako
Baka sakali maisip mo rin na bigyan ako ng pagkakataon
Ni minsan hindi ako humingi ng kahit anong kapalit
Ni minsan hindi ko inisip na habulin ka

Na lumuhod sa harap mo at magmakaawa
Dasal lang ang kakampi ko
Na sana huwag kang magmahal ng iba
Na sana walang ibang naghihintay sa’yo

Na sana ako na lang ang mamahalin mo
Na sana dinggin na ng Panginoon ang hiling ko
Alam ko na hindi ako ang gusto mo
Noong una pa lang alam ko na

Kahit hindi mo sabihin
Ramdam ko naman
Ang mga panlalamig na trato mo sa akin
Ang pagbabalewala mo sa akin

Alam kong kahit kailan wala akong laban sa kanya
Kahit kailan hindi kita magawang pilitin
Ayaw kong ipilit sa iyo na ako ang piliin
Dahil alam kong siya ang gusto mo

Alam kong hindi para sa akin ang mga ngiti mo
Alam kong hindi ako ang gustong makausap mo
Alam kong hindi ako ang gusto **** makasama
Ang gusto **** makita kang tumawa.

Kahit kailan hindi ako magiging siya
Kahit kailan hindi ko kayang palitan siya
Diyan sa puso mo
Kahit kailan hindi ko magawang turuan ang puso mo

Na ako ang mahalin mo
Na ako ang pipiliin mo
Kahit kailan hindi ako ang nakikita mo
Sa tuwing magkasama tayo

Hiniling mo na sana siya na lang ang kasama mo
Na sana siya na lang ang nakausap mo
At ang nakakaintindi at nakikinig sa’yo
Kailanman magkaiba kami

At kahit bali-baliktarin man natin ang mundo
Kahit ikumpara mo man ako
Hindi siya magiging ako
At hindi rin ako magiging siya.

— The End —