Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Stum Casia Aug 2015
Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
tatlo ang maglalakad nang napakalayo,
mula pinakamasikip na eskinita sa Valenzuela
hanggang pabrika para makatipid sa tricycle.

Sayang din kasi.

Dalawa siguro sa tatlong yun, babae,
may tig-isang anak na dumedede pa
at hindi pa talaga maiwan pero kailangan nang iwanan
kahit mahigpit ang pagkakakapit sa tuwing paalamanan
dahil mas mahigpit ang pangangailangan.

Sa sampung rin sigurong manggagawa ng Kentex
siyam yung nagbabaon ng kaning tinipid nung hapunan
at ulam para hindi na bumili sa kainan.
Yung isa siguro kakain na lang ng biskwit at tubig.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
siyam yung hindi na magbebreaktime para magmeryenda.
Sayang ang bawat minutong titigil sa paggawa ng tsinelas,
baka hindi umabot sa quota, baka mawalan ng trabaho bukas.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
dalawa lang ang nagpapansinan sa oras ng trabaho-
yung magkaedad at magkatabi.
Sayang ang bawat minutong tatakas ang atensyon
sa ginagawa, baka mareject ang gawa, baka tuluyan nang tumunganga.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa yung hindi pa nakaranas ng fire drill.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa yung walang benepisyo.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa yung mababa ang sweldo.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa yung inaasahan ng pamilya.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa ang hindi mo kilala
kaya wala kang pakialam
mabigyan man sila o hindi ng hustisya.
Krezeyyyy Jul 2017
Ayaw lang unta kog ilara
Nga sa atong duha mas dali kong nakahawa
Nga sa pagkatinuod ikaw layo na.

Ayaw lang unta ko patuoha nga ikaw galisud sa pagbuhi, nga ikaw galisud nga ako maadtu sa lain,
Nga ikaw man diay ang nibuhi ug sa lain napalid.

Ayaw lang unta panganad nga pasakitan ko nimu
Ug ako mupahipi ra diri sa daplin
Kaning sakit sa kasing-kasing
Wa na gyud ko kasabut unsaon pagpa-ilin-ilin.

Ayaw lang unta ug balik nga murag wa kay nakit-ang lain
Nga murag ikaw ra gihapon ug ako ug ang kalibutan nga kita ray nakahibalo.

Nasakitan sad biya ko
Ug ikaw sad, kahibaw man ko.
Pero ayna kog baliki, ayna kog hilaki
Nga murag wala siya, iyaha na imung gugma
Ayaw nako binli.
Jun Lit Oct 2017
Tumatalbog-talbog
sa sahig ng aking mga ala-ala
ang bola ng jackstone ng até
at sipang tingga ng kuya

paroo’t parito
ang mga trumpo’t yoyo
sa mga tumpok
ng inipong alabok
ng kabataan kong
inihian ng kahapon
upang maging kalamay
at putu-putuhan
- na waring napanis na
sa paminggalan ng kompyuter
at tuluyang ibinaon
sa puntod ng mga cellphone.

Sa kamposanto ng mga ala-ala
nagmumulto pa rin ang kahirapan
di na kailanman matatakasan

sa bawat lagok,
mainit na humahagod
sa lalamunan ang mga tagpo
sa mga dula’t pelikula
sa pinagpugarang bahay
na ngayo’y nagiba na:
          pagkatapos ng maghapon:
          itutulak mo ang kaning mahalimuyak
          - isinaing ng Inay ang kinandang-laon
          inutang pa sa taga-Quezon
          wala kahit kapirasong tuyong maisabay
          walang iba, tanging ikaw,
          masarap nang sawsawan at sabaw.
Translated as Brewed Coffee III
Jun Lit Mar 2021
Binabaran ng mainit
na kapeng barako
ang naiwang tutóng
sa lumang kaldero,
walang panamà
ang kaning binudburan
ng niyadyad na tabliya
sa panlasa ng até at bunso
magkasamang nagmimiryenda
- matamis na bukayo
matamis na ala-ala . . .

Tanyag ang tamis ng sintunis
singkom man o lado
limot na ang hagupit
ng mga Hapones na malulupit
ng kahapong ayaw umidlip.
Nag-aanyaya ng pag-akyat
ang puno ng bitungol, halikayo
manibalang pa ang iba
ngunit tamang-hinog na pangkulunggo
sa mga isipang nahihilo’t nalilito.

Maghapon lamang ang kabataan -
mabilis, mabilis na dumaan
Orasyon na ngayon, wika ng impô
Huwag magpapaabot ng sireno
Pag di’y sip-on ang aanihin n'yo!

Opo, opo,
Dala-dalang buslô
Taglay ang naiwang litrato
sa sulok ng isipan, ng balintata-o.
Sa lahing hindi sumuko,
magkakasama tayo.
Brewed Coffee Poem 13 - 13th in my series "Kapeng Barako" (Brewed Coffee) - focusing mainly on my memories of my childhood in old Lipa City (Philippines); this one has been, in part, inspired by my reminiscence of one of my elder sisters, Ate Malen, as well as other members of our clan.
Jun Lit Nov 2019
Noong musmos pa’y sabaw
sa isang malukong na pinggan
puno ng kaning may kaunting tutong
pagkaliban ko ng bakod, ika’y nakasalubong
kalooban ko’y kimi, dila ko noo’y urong

wala sa aking hinuhà,
walang sinangguning manghuhulà
sino ba’ng mag-aakalà
marmol **** bantayog
gatô palang kahoy ang loob
nang katotohana’y nabantog
sa kaunting yanig, gumuho ang moog

huwag daw sasamba sa mga d’yos-d’yosan
ngunit tila larawan ka ng may-kabanalan
haliging inasam na masasandalan
sa ilaw ko pala’y naging tampalasan

imaheng nadurog ay dagok sa aking likod,
at tila balisong na sa puso’y kumadyot
kulang ba ang hikbi ng pusang malambot?
labis bang nagmahal ang asong malikot?

Mahabang panahon ginugol, dumaan
Ang kapeng mainit lumamig,
Napanis na’t nakalimutan

Sa paglalakad, dinampot, hinimay
ang duming iniwan ng mga alamid
matiyagang pinagyaman
Isinangag ng paulit-ulit sa nagmumuning isipan
Giniling sa puso tumanaw sa pinagmulan
Tinimplahan ng matam-is na kapatawaran
Paglagok ng mainit, aking naramdaman
Tiwasay ang dibdib, may kapayapaan.
My ninth in my Brewed Coffee Poems series - poems much influenced by my memories of my old home and childhood in Lipa, Batangas.

— The End —