Binibini, isang liham ang aking isinulat para sa iyo,
Maaari mo bang ibahagi sa akin ang kislap ng iyong kagandahan?
Marami ang nakakakita ng kagandahan ngunit, naipakita mo na ba ang kailaliman?
Sa isang kupas na imaheng namumuo sa aking isipan,
Higit pa ang kalawakan at kung maikukumpara ko sa mga tala sa kalangitan,
Iisa ang isinasaad ng iyong kagandahan. Yun ay ang kalungkutan.
Isang sulyap na tila ba wala ka ng ibang nanaisin pa, o hihilingin.
Ang paghahangad ay labis subalit sasapat sa nagkukulang kong damdamin.
Binibini, bakit nga ba namumuo sa'yong mata ang labis na kalungkutan?
Bakit tila, sa aking pananaw ay nagsasabi na ika'y pagod na?
Bakit ako ang nakakakita ng iyong paghihirap?
Binibini, sa kabila ng lahat ng iyon, nagagawa mo parin na magtiis?
Hanga ako sayo binibini.
Hindi lang paghanga ang aking nadarama.
Higit pa sa matatamis na salita.
Higit pa sa pagpaparamdam ko sa'yo.
Binibini, lubos akong nagmamahal sa iyo.
Maaari ba'ng ako naman ang pakinggan mo?
Na sana ay makarating sa'yo ang lahat ng hangad ko?
Hangad ko ang iyong kaligayahan.
Ngunit hindi ko maipapangako na sa bawat sandali ay naroroon ako para sa iyo.
Hindi ko maipapangako na hindi kita sasaktan.
Hindi ko maipapangako sa iyo na ang bawat alaala sa aking piling ay magiging espesyal.
Sapagkat sa likod ng matatamis na salita ay ang pagkukubli ng masamang hangarin.
Hangarin na ika'y saktan.
Hangarin na sa bawat pangakong binitawan ay walang matupad.
Hangarin na iwanan ka'ng nag-iisa.
At hangarin na mag-iiwan sa iyo ng bakas na magdudulot ng iyong pagkahina.
Hindi ko man maipangako na hindi ka saktan,
Ang aking saloobin sa iyo ay totoo at walang bahid ng kasamaan.
Hindi ko man magawang makapunta sa iyong tabi,
Nakasisiguro ako na makararating sa'yo ang aking alab na damdamin.