Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Dec 2017
“Mahirap na daw turuan ng bagong laro ang matandang aso”, siguro nga totoo ito. Pero may mga bagay na nalalaman ang matandang aso na hindi alam ng mga kabataan ngayon. Alam ng matandang aso ang sagot sa maraming talinghaga at hiwaga na taglay ng buhay. Nakita n’ya ang mga paliwanag na nagbibigay ng liwanag; nakita n’ya ang mga katotohanan at kasinungalingan na nasa pagitan ng mga sulok-sulok ng buhay. Alam n’ya na hindi lahat ng kumikinang ay ginto, na hindi porke kalmada ang dagat ay wala nang darating na unos. Hindi ibig sabihin na kapag komokak ang palaka ay tag-ulan na. Alam n’ya na ang kamatayan ay hindi talaga kasawian kundi isang bagong yugto, isang bagong pagsisimula at isang bagong anyo ng buhay.

Alam ng matandang aso ang pagkakaiba nang tunay na umiibig sa nalilibugan lang. kaya natatawa s’ya kapag nakikita ang mga kabataan na inaabuso ang salitang “pagibig”. Mahina na ang katawan ng matandang aso subalit nananatiling malakas ang kanyang isip; malabo na ang kanyang mga mata pero malinaw parin ang kanyang puso at pandama. Marami na s’yang naisulat at marami na s’yang binigkas na mga talumpati, alam n’yang hindi lahat ng nagbabasa at nakikinig ay natututo. Marami sa kanila ay nananatiling mga ungas at gago. Alam n’ya na ang karunungan ay hindi agad-agad na tinatanggap ng mga hanagal na nakikinig, na hindi ang talumpati at panulat ang talagang nagmumulat kundi ang mga karanasan at mga pinagdadaanan.

Malalim na ang gabi pagod at inaantok na ang matandang aso pero hindi s’ya makatulog. Dahil alam n’ya na sa bawat pagkahimbing ay laging may naka-abang na bangungot. Na ang bawat bukang-liwayway ay hindi laging may dalang pag-asa. Na, ang maghapon madalas ay isang tanikala na iyong kailangan na hatakin. Hindi naging masaya subalit hindi rin naman naging malungkot ang buhay ng matandang aso, pero hindi s’ya nanghihinayang sapagkat alam n’ya ang ibig sabihin ng kasabihan na “ang buhay ay parang gulong, minsan nasa ibabaw ka minsan naman nasa ilalim ka”.
Agust D Apr 2020
may isang natutulog sa kalye
walang sala, walang detalye
walang makain, walang tirahan
ngunit ikinulong tila'y makasalanan

"mahirap maging mahirap"
said ng mga matang nagpapaki-usap
nang gayo'y makahanap
ng pagkain sa pamilya'y maiharap

at ang isa'y pinaiimbestigahan
dahil umano sa ilegal na pamamaraan
ng pagtulong sa kanyang nasasakupan
kailan ba ito naging kasalanan?

o, Pilipinas, ika'y binabantaan
patagong tinatangay ang iyong kayamanan
mga anak mo'y pinahihirapan
sa kalagitnaan ng krisis, ika'y pinagsasamantalahan

o, Pilipinas, naliligaw ang iyong landas
ika'y inaapi, inaabuso nang marahas
waring pinaglalaruan ang batas
ng isang nag-aanyong taong hudas

halika't iyong ipaglaban
ang bansang ating sinilangan
basagin na ang iyong katahimikan
at h'wag hayaang manaig ang kasakiman

pakinggan, dam'hin, at tignan
h'wag ka munang lumiban
sapagkat kailangan ang iyong katapangan
sa umuusbong na digmaan
Isang Tulang tungkol sa Politika

— The End —